Patutsada ng Malacañang GOBYERNO ‘DI NATUTULOG O NAGBABAKASYON

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na hindi natutulog o nagbabakasyon ang gobyerno at patuloy itong nagtatrabaho upang tugunan ang pangangailangan ng bawat Pilipino.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa isinagawang “Bawat Bayan Makikinabang: Makati City” event nitong Lunes kung saan nakatanggap ang 23 barangay ng tig-P200,000 sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund.

Kalahati ng nasabing halaga ay inilaan para sa limang iskolar ng bawat barangay.

Bukod dito, may 13,571 pamilya rin ang nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas sa ilalim ng local government support funds na ipagpapatuloy umano kada dalawang buwan.

“Asahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay hindi po natutulog, hindi po nagbabakasyon, at walang ginawa kung hindi mag-isip ng paraan kung ano ang pangangailangan ng taong-bayan, kung ano ang pangangailangan ng ating mga naghihirap na mga kababayan,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa Makati Coliseum sa Barangay Singkamas.

“Huwag po kayong mag-alala at nandito po ang inyong pamahalaan, nandito po ang gobyerno na nag-aalalay sa inyo, na tumutulong sa inyo at tinitiyak na ang buhay po ninyo ay maging mas maginhawa,” dagdag pa nito.

Hinimok din ng Pangulo ang mga presidential scholars na nakatanggap ng tig-P20,000 na sulitin ang oportunidad na ibinibigay ng pamahalaan.

“Ang magandang edukasyon ay isang biyaya ‘yan na hindi na pwedeng kunin sa inyo. Habang buhay na ‘yan na nasa inyo. Hindi manakaw sa inyo, hindi maagaw sa inyo, hindi ito nalulusaw, hindi mawawala,” ani Pangulong Marcos.

(CHRISTIAN DALE)

57

Related posts

Leave a Comment