INAASAHANG magiging pangunahing agenda ang security cooperation sa nakatakdang pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Japanese Prime Minister Sanae Takaichi sa State Visit nito sa Japan sa Mayo 26.
Sinabi ni Pangulong Marcos na kabilang sa pag-uusapan ang pagpapalalim ng defense at security cooperation ng Pilipinas at Japan.
“I expect that we will be talking about many things, but of course, security cooperation will be a very important part of that discussion,” ayon sa Pangulo sa panayam ng Japanese media sa Malacañang.
Ayon pa kay Marcos, tatalakayin din ang full implementation ng Reciprocal Access Agreement at Acquisition and Cross-Servicing Agreement na nilagdaan noong Enero.
“Japan’s new approach to security and defense, especially in the region, will also be brought up in the discussion,” dagdag pa ng Pangulo.
Binanggit din ni Marcos ang mahalagang partisipasyon ng Japan sa Balikatan exercises ngayong taon bilang patunay ng lumalalim na kooperasyon ng dalawang bansa sa interoperability at military training.
Kasama rin sa pag-uusapan ang posibleng karagdagang tulong ng Japan sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kabilang dito ang official security assistance gaya ng radar at support systems, information at technology sharing, at personnel training.
Ayon pa sa Pangulo, mahalaga rin ang patuloy na pagtutulungan ng Pilipinas at Japan batay sa kanilang shared values at pagsunod sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
(CHRISTIAN DALE)
108 