20 KILONG SHABU NASABAT SA CEBU; 2 BIG-TIME DRUG SUSPECTS HULI

UMAABOT sa 20 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng mahigit P136 milyon ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa ikinasang joint anti-narcotics operation kasama ang Philippine Coast Guard sa lalawigan ng Cebu.

Ayon sa ulat, nasakote ng pinagsanib na pwersa ng PDEA at PCG Intelligence Group-Central Visayas ang dalawang hinihinalang big-time drug dealers bandang alas-4:50 kamakalawa ng hapon.

Sa report na isinumite kina PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez at PDEA Deputy Director General for Operations Renato Gumban ni PDEA-7 Regional Director Joel B. Plaza, kinilala ang mga suspek na sina Romy, 57, electrician, at Dante, 47, construction worker. Kapwa residente umano ang mga ito ng Laguna.

Nakumpiska sa operasyon ang 20 vacuum-sealed packs ng shabu na tumitimbang ng tig-iisang kilo at may tinatayang market value na P136 milyon.

Narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money, tatlong cellular phone, isang compact sedan at iba pang non-drug evidence.

Isinumite na sa PDEA-7 Regional Office Laboratory ang mga nakumpiskang droga para sa tamang disposisyon.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26(b), Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kapag napatunayang nagkasala, maaari silang maharap sa habambuhay na pagkakakulong at multang hanggang P10 milyon.

Samantala, iniulat din ng PDEA na nakapaglunsad ito ng 76 anti-illegal drug operations sa buong bansa mula Mayo 14 hanggang 21, 2026 katuwang ang Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies.

Nagresulta ito sa pagkakasamsam ng tinatayang P77.78 milyong halaga ng ilegal na droga at pagkakaaresto ng 85 drug personalities.

Kabilang sa mga nakumpiska ang 9,596.85 gramo ng shabu, 12,257.32 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 41,520 fully grown marijuana plants at 12,120 marijuana seedlings.

Sa datos ng PDEA, kabilang sa pinakamalalaking operasyon ang isinagawang interdiction operations sa Pasay City noong Mayo 19 kung saan nasabat ang 2,171.29 gramo ng shabu.

Sa buy-bust operation naman sa Davao City noong Mayo 14, isang high-value target ang naaresto at nakumpiskahan ng 2,300 gramo ng shabu.

Habang sa operasyon sa Zamboanga City noong Mayo 16, nasamsam ang 1,979.47 gramo ng shabu mula sa isang drug personality.

Iniulat din ng PDEA ang boluntaryong pagsuko ng 400 gramo ng cocaine sa Jolo noong Mayo 19.

Kabilang din sa isinagawang operasyon ang malawakang marijuana eradication campaign sa Cordillera Administrative Region partikular sa Kalinga at Benguet kung saan libo-libong marijuana plants ang winasak ng mga awtoridad.

“Ang accomplishment report ngayong linggo ay patunay ng walang humpay na dedikasyon at tapang ng ating mga operatiba sa ground,” ayon kay Usec. Nerez.

(JESSE RUIZ)

86

Related posts

Leave a Comment