INARESTO ang isang pahinante ng truck habang pinaghahanap ang driver nito makaraang nabuking na taliwas ang kanyang sumbong sa pulisya na tinangay ang kanilang sasakyan ng mga sakay ng isang Toyota Innova sa Carmona City, Cavite nitong Linggo ng madaling araw.
Hawak ngayon ng Carmona Component City Police Station ang suspek na si alyas “Rey”, 28, pahinante ng truck, habang pinaghahanap ang driver nito na si alyas “Tee”, 38, na tumakas matapos ang insidente, at apat pang sangkot sa insidente.
Ayon sa sumbong sa pulisya ni alyas “Rey”, nangyari ang insidente bandang ala-1:55 ng madaling araw. Aniya kin-nat sila ng driver ng isang Toyota Innova na may plakang AAR2964, sa kahabaan ng Governor’s Drive sa Brgy. Cabilang Carmona City, Cavite at pwersahang kinuha ang minamaneho nilang 6-wheeler truck na Hyundai na may plakang NGN 1082, dahilan upang panoorin ng pulisya ang CCTV footage sa lugar.
At base sa CCTV footage ng Carmona Command Center, lumalabas na walang nangyaring pagtangay ng kanilang sasakyan at palabas lamang ang sumbong nito dahil makikita na bumaba ang driver ng truck sa nasabing lugar para sa tawag ng kalikasan.
Base pa rin sa CCTV footage, makikita na ang driver ng 6-wheeler truck ay sumunod sa driver ng Toyota Innova at tumigil sila sa gilid ng kalsada. Lumabas naman ang isang lalaki mula sa Toyota Innova at lumapit sa driver ng truck at ikinarga ang laman ng truck na 180 kahon ng mga sigarilyo.
Pagkaraan, ang driver nito na si alyas “Tee”, 38, ay tumakas sa direksyon ng GMA, Cavite, habang ang Toyota Innova ay nag-U-turn at umalis sa direksyon ng Carmona exit.
Sa imbestigasyon ng Carmona MPS, walang GPS locator ang truck kaya hindi matagpuan sa kasalukuyan.
At dahil sa CCT footage, inaresto si alyas “Rey” dahil sa hindi magkakatugmang salaysay habang pinaghahanap ang kanyang driver at apat pang mga kasabwat sa insidente.
Patuloy ang isinasagawang backtracking para sa pagkakakilanlan ng iba pang mga suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
88 