P1,500 MONTHLY SUBSIDY SA MINIMUM WAGE EARNERS, MULING IGINIIT

MULING iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang panawagan para sa P1,500 buwanang subsidiya para sa humigit-kumulang 5 milyong minimum wage earners kasunod ng mabilis na pagtaas ng inflation noong nakaraang buwan, mas mabagal na paglago ng ekonomiya sa unang quarter ng taon, at ang inaasahang patuloy na pagtaas ng inflation.

“Baka makalimutan natin, nasa krisis pa rin ang bansa sa gitna ng lahat ng ingay sa pulitika. Ang ating mamamayan, partikular ang mga bulnerableng sektor, ay nagdurusa sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at nangangailangan ng kaunting pahinga,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin niya na ang 7.2% na inflation rate ay labis na nagpababa sa purchasing power. Kung gagamitin ang P1,000 noong 2018 bilang batayang halaga, ang purchasing power ay bumaba sa P732.60 mula P775.80 para sa pangkalahatang populasyon, at bumaba sa P715.82 mula P773.40 para sa pinakamahirap na 30% ng populasyon.

Sinabi ni Gatchalian na ang subsidiya ay hindi lamang magpapagaan sa pasanin sa pananalapi ng mga minimum wage earner, kundi magpapasigla rin sa lokal na pagkonsumo at tutulong sa paglago ng ekonomiya.

“Malaking bahagi ng sweldo ng mga minimum wage workers ang napupunta sa pang-araw-araw na gastusin kagaya ng pagkain at pamasahe. Kailangan natin silang tulungang malagpasan ang krisis na patuloy na hinaharap,” dagdag pa niya.

Ang P1,500 kada buwan na subsidiya ay isa sa mga rekomendasyon ng Senate PROTECT ad hoc panel. Kung maaaprubahan, inaasahang aabot sa P7.5 bilyon kada buwan ang magiging gastos nito sa pamahalaan.

(Dang Samson-Garcia)

101

Related posts

Leave a Comment