PPP sa NAIA pinatitigil ng labor, consumer groups PAGLABAG SA CONCESSION DEAL PINASISILIP SA KONGRESO

NANAWAGAN sa Kongreso ang militanteng labor at consumer groups na imbestigahan at suspendihin ang kontrobersyal na Public-Private Partnership (PPP) deal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil umano sa seryosong paglabag sa concession agreement at posibleng banta sa pambansang seguridad.

Sa magkasanib na pahayag ng Political Officers League of the Philippines (POLPhil), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), at National Confederation of Labor (NCL) o mga kasapi ng PUSO ng NAIA, kinondena nila ang umano’y kawalan ng Independent Consultant (IC) na dapat nagbabantay sa implementasyon ng privatization deal na hawak ngayon ng San Miguel-led New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC).

Ayon sa mga grupo, malinaw umanong paglabag sa concession agreement ang kawalan ng Independent Consultant habang nagpapatuloy ang operasyon ng pribadong operator mula pa noong Setyembre 2024.

“Malaking babala sa publiko ang kawalan ng Independent Consultant mula pa noong unang araw ng takeover ng NNIC,” ayon kay Ricardo Serrano ng POLPhil.

“Kung walang independent oversight, malayang naipapasa sa mamamayan ang dagdag-singil habang walang malinaw na beripikasyon sa mga ipinagmamalaking upgrades,” dagdag pa nito.

Para naman kay Leody De Guzman, chairman emeritus ng BMP, hindi na umano simpleng teknikal na usapin ang nangyayari kundi usapin na ng pananagutan sa publiko.

“Bawat safeguard sa PPP agreement ay inilagay para protektahan ang publiko, hindi para balewalain,” ani De Guzman.

Binatikos din ng mga grupo ang sunod-sunod umanong pagtaas ng passenger fees, aircraft charges, at renta sa loob ng NAIA kahit wala pa umanong independiyenteng pagsusuri sa mga proyekto at singilin.

“Habang baon sa hirap ang mga pasahero, OFWs, at ordinaryong taxpayers, lalo silang kinukuba ng dagdag-singil na walang malinaw na batayan,” pahayag naman ni Glecy Naquita, secretary general ng NCL.

Nagbabala rin ang alyansa na delikado umano ang sobrang kontrol ng pribadong sektor sa operasyon ng pangunahing paliparan ng bansa dahil konektado ito sa border protection, anti-trafficking operations, anti-smuggling efforts, emergency response, at pambansang seguridad.

Dahil dito, nananawagan ang PUSO ng NAIA sa Senado at Kamara na imbestigahan ang umano’y paglabag sa concession agreement, busisiin ang basehan ng airport upgrades at dagdag-singil, at suspendihin o repasuhin ang mga probisyon ng PPP deal na mapatutunayang laban sa interes ng publiko.

“Pag-aari ng sambayanang Pilipino ang NAIA. May karapatan ang taumbayan na tutulan ang anumang kasunduang inuuna ang tubo ng pribadong korporasyon kaysa serbisyo publiko, pananagutan, at pambansang interes,” pahayag pa ng alyansa.

113

Related posts

Leave a Comment