HORROR SA HIGHWAY: SAWA, NAKI-JOY RIDE SA MAGBABARKADA

NAUWI sa matinding takot ang biyahe ng isang grupo ng magkakaibigan matapos biglang gumapang umano ang isang malaking sawa sa windshield ng kanilang sasakyan habang bumibiyahe sa highway sa Batangas noong Linggo ng madaling araw.

Ayon sa isa sa mga sakay, bigla nilang nakita ang naturang ahas na gumagapang sa harapan mismo ng sasakyan habang umaandar dahilan para mataranta sila.

Pinaniniwalaang nahulog umano ang sawa mula sa mga punong dinaanan nila matapos manggaling sa isang pasyalan.

Dahil sa takot, humingi ng tulong ang grupo sa isang gasolinahan matapos pumasok ang ahas sa engine compartment ng sasakyan.

Agad namang rumesponde ang mga barangay tanod at sinuyod ang makina, ilalim at loob ng sasakyan ngunit hindi na nakita ang sawa.

Dahil dito, ipinagpatuloy na lamang ng grupo ang kanilang biyahe pauwi.

Ngunit makalipas lamang ang ilang oras, muling nagpakita ang sawa habang mag-isang bumibiyahe ang driver.

Namataan umano ang ahas na gumagapang malapit sa visor ng bintana bago tuluyang nahulog sa kalsada at nawala sa dilim.

Kinabukasan ay binalikan pa nila ang lugar upang tiyaking ligtas ang sawa ngunit hindi na nila ito natagpuan.

Sa kabila ng tensyonadong insidente, nagpasalamat pa rin ang grupo dahil walang nasaktan o nakagat sa kanila habang umaasang ligtas ding nakabalik sa kagubatan ang naturang sawa.

(NILOU DEL CARMEN)

108

Related posts

Leave a Comment