NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng patuloy na suporta at proteksyon para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Japan kasabay ng pagkilala sa malaking ambag ng mga ito sa pagpapatatag ng relasyon ng Pilipinas at Japan.
Sa kanyang pakikipagpulong sa Filipino community sa Tokyo, pinuri ng Pangulo ang mga Pinoy sa Japan at tinawag silang “face of the Philippines” at simbolo ng “resilience and quiet strength.”
Ayon kay Pangulong Marcos, malaking bahagi ang ginagampanan ng mga OFW sa pagpapalalim ng people-to-people ties at kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t ibang larangan.
“Bago pa man kami makikipagpulong sa mga pinuno ng Japan, minarapat naming unahin ang pakikipagkita sa inyo sapagkat kayo ang dahilan kung bakit mahalaga ang relasyon ng Pilipinas at Japan,” ani ng Pangulo.
“Kayo ang nagbibigay-buhay sa ugnayang ito sa gitna ng Pilipinas at Japan,” dagdag pa nito.
Sinabi rin ng Pangulo na walang tigil ang pamahalaan sa pangangalaga sa karapatan, kapakanan, at kaligtasan ng mga OFW habang naghahanapbuhay sa ibayong-dagat.
Ayon kay Pangulong Marcos, layunin ng kanyang four-day state visit sa Japan na higit pang patatagin ang bilateral relations sa larangan ng labor protection, trade and commerce, defense, at regional cooperation.
Binigyang-diin din nito ang ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng diplomatic relations ng Pilipinas at Japan na aniya’y mahalagang milestone sa matagal nang partnership ng dalawang bansa.
Tinalakay rin ng Pangulo ang epekto ng global crises kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan at ang mga hakbang ng gobyerno gaya ng state of national energy emergency at implementasyon ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport (UPLIFT) program.
(CHRISTIAN DALE)
109 