HIGIT P210 bilyon o katumbas ng $3.4 billion na investments mula sa Japanese businessmen ang naselyuhan ng Pilipinas kasabay ng state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan.
Nakuha ang naturang investment pledges sa isinagawang high-level business roundtable meeting sa Tokyo kung saan personal na nakipagpulong si Pangulong Marcos sa mga Japanese investors.
Target ng mga pamumuhunan ang manufacturing, renewable energy, turismo, infrastructure at iba pang industriya na inaasahang lilikha ng dagdag na trabaho para sa mga Pilipino.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, handa ang Pilipinas na maging sentro ng smart manufacturing at green investments sa ASEAN region.
Sinabi naman ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na nakikita ng Japan ang malaking potensyal ng Pilipinas sa tourism at hospitality sector.
Kabilang sa mga kumpanyang Hapones na patuloy na namumuhunan sa bansa ang All Nippon Airways, Toyota, Mitsubishi Corporation, Marubeni, Panasonic at Fast Retailing.
Pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang mga Japanese investors sa patuloy na pagtitiwala sa ekonomiya ng Pilipinas at sa pagbibigay ng oportunidad at trabaho sa mga Pilipino.
Tumulak si Pangulong Marcos patungong Japan noong Martes, Mayo 26, para sa apat na araw na state visit sa paanyaya ng pamahalaang Hapones kasabay ng paggunita sa ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Japan.
Ito ang kauna-unahang state visit ng Pangulo sa Japan matapos ang kaniyang official at working visits noong 2023 at 2025.
Layunin ng pagbisita na lalo pang patatagin ang Strengthened Strategic Partnership ng Pilipinas at Japan sa larangan ng agrikultura, enerhiya, kalakalan, imprastraktura, depensa, seguridad, teknolohiya at pagpapaunlad ng Mindanao.
Tinalakay rin ng Pangulo at ng liderato ng Japan ang mga usaping panrehiyon at pandaigdig kabilang ang West Philippine Sea, Gitnang Silangan, ASEAN, pakikipagtulungan sa Estados Unidos at kandidatura ng Pilipinas sa United Nations Security Council.
Sa state banquet sa Imperial Palace, nangako si Pangulong Marcos na lalo pang palalakasin ng Pilipinas at Japan ang kanilang pagtutulungan para sa kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region.
Sinabi ng Pangulo na magtutulungan ang dalawang bansa sa usapin ng seguridad, ekonomiya, teknolohiya, pagkain, enerhiya at climate action.
Iginiit din nito na nananatiling mahalagang kaalyado ng Pilipinas ang Japan lalo na sa imprastraktura, seguridad at pagtulong sa panahon ng kalamidad.
(CHRISTIAN DALE)
67 