INILABAS ng RPMD Foundation Inc. (RPMD) ang resulta ng pinakabagong “Boses ng Bayan” nationwide survey na isinagawa mula Mayo 20 hanggang 25, 2026, na may 2,500 randomly selected respondents mula sa iba’t ibang socio-economic classes sa buong bansa na ininterbyu, na may ±2% margin of error sa 95% confidence level. Sinukat sa survey ang trust, performance, at governance perception ng publiko sa pangunahing institusyon ng pamahalaan.
Lumabas sa survey na mas mataas pa rin ang trust at performance ratings ng House of Representatives kumpara sa Senado ng Pilipinas. Nagtala ang House ng 62.2% Index of Governance (IOG), mula sa pinagsamang 61.8% trust at 62.7% performance ratings. Ayon sa mga respondent, mas nakikita umano nila ang organisadong liderato at mas mabilis na aksyon ng Kamara sa mahahalagang pambansang usapin.
Si House Speaker Faustino Dy III ay nagtala ng 58.1% IOG score, mas mataas ng 3.1% kumpara sa April 2026 RPMD survey. Umakyat din ang kanyang trust rating sa 57.5%, habang ang performance rating ay nasa 58.8%. Marami sa mga respondent ang nagsabing mas disiplinado at nakatuon umano sa governance delivery ang liderato ng House, partikular sa inflation concerns, infrastructure projects, at public services.
Ayon kay Dr. Paul Martinez, Executive Director ng RPMD at isang global affairs at political analyst, patuloy na nakakakuha ng positibong public trust si Speaker Dy dahil sa mas organisado at result-oriented na liderato ng Kamara. Aniya, mas nakikita umano ng publiko ang konkretong aksyon at malinaw na direksyon ng House sa governance at serbisyo publiko.
Samantala, bumagsak naman ang public confidence sa Senado matapos itong makakuha lamang ng 36.1% IOG score, kasama ang 35.4% trust at 36.8% performance ratings. Ayon sa survey, nakaapekto sa ratings ng Senado ang sunod-sunod na kontrobersiya, internal conflicts, at political confrontations nitong mga nakaraang linggo. Marami sa mga respondent ang naglarawan sa Senado bilang “divided,” “detached,” at “overly politicized.”
Partikular na mababa ang naging marka ng liderato sa ilalim ni Senate President Alan Peter Cayetano na nagtala lamang ng 34.2% IOG score. Ayon kay Dr. Paul Martinez, bumagsak ang ratings ng Senado dahil wala nang halos marinig ang publiko kundi puro kontrobersiya, bangayan, at negatibong balita tungkol sa institusyon. Aniya, mas gusto ngayon ng publiko ang tahimik, seryoso, at nakatuon sa serbisyo na liderato.
Batay sa open-ended interviews ng RPMD, maraming respondent ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil tila mas inuuna umano ng Senado ang political maneuvering kaysa sa mga problema ng ordinaryong Pilipino. Dagdag pa ni Dr. Martinez, mas pinahahalagahan ngayon ng publiko ang stability, accountability, at epektibong pamamahala kaysa sa political drama at partisan confrontation.
67 