(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG magkaroon ng tuluy-tuloy na programa at operasyon sa pagresolba sa problema sa trapiko, iminungkahi sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na magkaroon ng fixed term ang hepe ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ginawa ni out-going House committee on Metro Manila Development chair Winston ‘Winnie’ Castelo ang nasabing mungkahi dahil paiba-iba ang diskarte sa pagresolba sa trapiko at iba pang problema sa Metro Manila kapag may bagong administrasyon.
“The MMDA is no longer a coordinating body of the 17 cities and towns, as originally conceived and planned by authors of the law that created this body. It has become a super body,” ani Castelo kaya dapat may fix term umano ang kanilang chair.
Ang MMDA chair at iba pang matataas na opisyales ng nasabing ahensya ay pawang mga presidential appointees at maaari silang tanggalin anumang oras kaya putol-putol ang ipinapatupad na programa.
Dahil dito, sinabi ni Castelo na napag-usapan sa kanyang committee na magkaroon na ng fixed term ang MMDA chair tulad ng mga opisyales sa Monetary Board, Government Service Insurance System(GSIS) at iba pang government-owned and controlled corporations (GOCC).
“Its functions are so important because they involve management of traffic operations, flood control, and garbage collection, just to mention the major ones, in 16 cities and a single town comprising Metro Manila,” ayon sa mambabatas kaya dapat may fixed term umano ang MMDA chief.
Gayunman, kung ilang taon ang termino ng MMDA chief ay ipinapaubaya umano ng mambabatas sa susunod na Kongreso subalit kailangan na aniyang gawin ito dahil palaki ng palaki ang problema sa Metro Manila lalo na sa trapik, basura, flood control at iba pa.
