UMANO’Y BAYARAN SA MISSING SABUNGERO CASE, INIREKLAMO SA DOJ

SUMABOG sa galit ang limang pamilya ng mga nawawalang sabungero at nagsampa ng reklamong obstruction of justice sa Department of Justice (DOJ) laban kay Atty. Caroline Cruz, legal counsel umano ng gaming tycoon na si Atong Ang, at iba pa.

Sa ambush interview sa DOJ, kinumpirma ng mga kaanak ng mga biktima na umano’y may mahigit 10 pamilya na tumanggap ng pera mula sa kampo ni Ang kapalit ng hindi pagdalo sa mga hearing.

Ayon kay Charlene Lasco Biligan, kapatid ng nawawalang sabungero na si Ricardo “Jonjon” Lasco Jr., tumatanggap umano ng tig-P40,000 buwanang “allowance” ang ilang kaanak ng mga biktima para umatras at hindi na dumalo sa pagdinig.

Sinabi ni Biligan na mayroon silang ebidensya hinggil sa umano’y pamimigay ng pera at panghihikayat sa iba pa nilang kasamahan.

Kwento naman ni Diane Loyola, live-in partner ng nawawalang si Ferdinand Dizon, huli niyang nakausap nang personal si Atty. Cruz noong Abril 22 kung saan inalok umano sila ng tulong kapalit ng hindi pagdalo sa hearing upang humina ang kaso.

Ani Loyola, masakit para sa kanila ang pagtanggap ng pera ng ilang pamilya dahil ilang taon na nilang ipinaglalaban ang hustisya para sa mga nawawalang sabungero.

“Kayo po ba, okay lang sa inyo na tumanggap ng tulong mula sa inyong kalaban? Hindi naman siguro. Hindi ako naniniwala na tulong ‘yun kasi kung totoong tulong, walang kapalit,” ani Loyola.

Dagdag pa niya, pinangakuan din umano ang ibang pamilya ng malaking halaga ng pera kapag naabswelto si Ang sa kaso.

Kinondena rin ni Olyn Lasco, isa pang kapatid ni Jonjon, ang umano’y pagtanggap ng pera ng ilang pamilya.

“Kung makakasigaw lang ang kanilang kamag-anak kung nasaan man sila, habulin sana sila ng konsensya nila,” ani Olyn.

(JULIET PACOT)

96

Related posts

Leave a Comment