MAS marami nang Pilipino ang makatatanggap ng libreng online training sa digital skills, entrepreneurship at artificial intelligence (AI) sa ilalim ng bagong programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Nakipag-partner ang TESDA sa UNESCO-UNEVOC at HP Foundation sa pamamagitan ng UNESCO Global Foundation upang palakasin ang Information and Communications Technology (ICT) training para sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng kasunduan, ilalagay sa TESDA Online Program (TOP) ang piling kurso mula sa HP LIFE Program ng HP Foundation para mapaunlad ang kakayahan ng mga technical and vocational education and training (TVET) learners.
Ayon kay TESDA Secretary at Director General Kiko Benitez, layunin ng programa na maihanda ang mga Pilipino sa mga trabahong may kaugnayan sa ICT, entrepreneurship at AI.
“As industries continue to transform through technology and innovation, it is important that Filipinos are equipped with the skills needed to remain competitive and adaptable in the future of work. Gamit ang e-TESDA, mas mapapalawak natin ang access sa dekalidad na training,” ani Benitez.
Ang HP LIFE ay libreng online training program na may higit 30 kurso sa entrepreneurship, digital skills, artificial intelligence, marketing, communication, finance at business operations.
Samantala, magsisilbing pangunahing plataporma ang TOP sa e-tesda.gov.ph para sa flexible at libreng technical education at skills training ng mga Pilipino anumang oras at saan mang lugar.
Inaasahan ding mapapalawak ng HP LIFE courses ang online learning ecosystem ng TESDA sa pamamagitan ng Skills Pathways feature ng TESDA Skills Passport mobile app.
Suportado ang kolaborasyon ng UNESCO Global Skills Academy na naglalayong tugunan ang labor skills gap at isulong ang lifelong learning at inclusive quality education sa buong mundo.
Target ng Global Skills Academy na matulungan ang 10 milyong kabataan at adulto sa buong mundo na magkaroon ng employable skills pagsapit ng 2029.
(NEP CASTILLO)
109 