SUPER EL NIÑO, PINANGANGAMBAHAN NG MGA MAGSASAKA SA BICOL

NANGANGAMBA ang mga magsasaka sa rehiyon ng Bicol sa posibleng epekto ng papalapit na Super El Niño na maaaring magdulot ng matinding tagtuyot at dagdag na pinsala sa sektor ng agrikultura.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), matagal nang dumaranas ng sunod-sunod na kalamidad ang mga pamayanan sa rehiyon tulad ng bagyo, pagbaha, tagtuyot at pabago-bagong lagay ng panahon.

“Kada taon na kaming nilulubog ng mga sakuna at utang. Hindi pa kami nakakabangon sa nakaraang mga bagyo at pagsabog ng Mayon, eto na naman ang banta ng matinding tagtuyot,” ani Regina Barbacena, tagapagsalita ng KMB.

Sinabi ng grupo na kabilang ang Bicol sa mga rehiyong pinakamadalas tamaan ng kalamidad kaya paulit-ulit ding nalulugi ang mga magsasaka sa produksyon at kabuhayan.

Dagdag pa ng mga magsasaka, patuloy din nilang pasan ang tumataas na gastos sa produksyon kasabay ng mababang presyo ng mga produktong agrikultural sa merkado.

Ayon pa sa KMB, hindi pa rin umano ramdam ng mga magsasaka ang sapat na paghahanda at suporta mula sa gobyerno laban sa nalalapit na tagtuyot.

Samantala, sinabi ng Department of Agriculture (DA)-Bicol na naghahanda na ang ahensya sa posibleng matinding epekto ng El Niño sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga patubig, crop shifting programs at pamamahagi ng agricultural assistance at farm inputs.

Gayunman, iginiit ng grupo na mabagal at kulang pa rin umano ang implementasyon ng mga programa sa maraming lugar sa Bicol.

“Wala kaming nakikita o natatanggap na sapat na ayuda o subsidyo mula sa gobyerno. Kami na naman ang pinapasan ang napakataas na gastos sa produksyon,” ayon sa KMB.

(PAOLO SANTOS)

110

Related posts

Leave a Comment