OPERASYON KONTRA SPAGHETTI WIRES

BISTADOR ni RUDY SIM

ISANG post lang sa social media, maaari nang sumiklab ang sandamukal na komento nang hindi inaalam ang tunay na istorya sa likod ng mga posts.

Napansin ko yan nang magkaroon kamakailan ng mga litrato ng sala-salabit na linya na tinatawag na “spaghettin wires”. May mga recycled photos, may mga AI. Pero natuwa din ako nang nakita ko sa aking feed ang post na kasama mismo ang lokal na pamahalaan ng Pasig sa ginagawang operasyon ng Meralco para ayusin ang mga linyang ito.

Kaunting basa lang sa posts at panonood sa mga videos ukol dito, napagalaman kong regular palang ginagawa ito ng Meralco. Hindi lang sa Pasig ha, kundi sa iba’t-ibang lugar pa.

Kaya nagtataka ako bakit pag reklamo, ang agap agap natin mag-post pero kapag mga magagandang gawain na may layuning nakakatulong sa atin, tahimik lang tayo.

Kung tutuusin, hindi naman linya ng Meralco yung sala-salabit na linya. Sinasabitan lang ang kanilang mga poste kaya mahirap basta basta tanggalin, kasi pag ginawa nila yan — aba baka bigla kayo mawalan ng Internet at magwala rin kayo.

Kasama kasi sa mga linyang yan yung mga ikinabit ng mga telco at cable companies nang walang permiso.

Nagsasagawa ang mga kinatawan ng Meralco ng tinatawag na Anti-Urban Blight operations kasama ang mga lokal na pamahalaan para tanggalin ang mga abandonado, delikado, at illegal na kable.

Hindi ito madalas napapansin dahil hindi naman lahat ng clearing operation nagva-viral online. Mas mabilis lang talagang kumalat ang reklamo kaysa sa aktwal na trabaho sa kalsada.

Hindi rin ganoon kasimple ang paglilinis. Hindi puwedeng basta putulin lahat ng mukhang luma o magulo. May mga pagkakataon ding kailangan pa ng koordinasyon sa iba’t ibang kumpanya bago magawa ang clearing. Kaya mahalaga rin ang tulong ng LGU.

Itong pagtutulungan ng Pasig LGU at Meralco ay magandang halimbawa dahil malaking bagay na suportado ng city government ang mga operasyon dahil mas napapadali ang permits, traffic management, at coordination sa iba’t ibang utility providers.

May mga lugar pa ring magulo at kailangan pa talagang ayusin. Pero patas lang na wag natin sabihing “walang ginagawa” o “hindi kumikilos.”

Madalas din nakakalimutan ng mga tao na hindi lang aesthetics ang concern dito. Kapag may sobrang baba o abandonadong linya, pwede itong maging hazard sa sasakyan, pedestrian, at maging sanhi ng aksidente lalo na kapag may bagyo.

Sa totoo lang, mas makakatulong siguro kung mas maraming tao ang makakita rin sa mga aktwal na ginagawa sa ground kaysa puro litrato ng problema ang umiikot online.

Maningil ng accountability pero kilalanin rin ang mga magandang ginagawa para unti-unting maayos ang sitwasyon!

98

Related posts

Leave a Comment