Syanong Detektib
MALAKING bentahe sa kaunlaran ng isang bayan ang pagpasok ng mga namumuhunan. Sila yaong mga tinatawag na kapitalista o ‘di naman kaya’y mga negosyante.
Kalakip ng pagnenegosyo ang pagbabayad ng buwis sa pamahalaan. Subalit bago pa man makapagnegosyo, dapat may permiso sa gobyerno. Ang tawag dyan ay business permit.
Madali lang naman kumuha ng business permit. Kailangan lang magsumite ng requirements tulad ng patunay na rehistrado ang negosyo sa Department of Trade and Industry o Securities and Exchange Commission (kung korporasyon), kontrata sa pwestong inuupahan, Certificate of Occupancy, Fire Safety Inspection Clearance at iba pa.
Pero sadya yatang may mga negosyanteng brusko. Binabalewala pati ang gobyerno tulad na lang ng anim na naglalakihang establisyemento sa bayan ng Angono, partikular sa Hillsdale Summit sa Barangay San Isidro — ang Kape Coffee Chill, Ssandong 1 Unlimited, Double Z, Stopover, Emperor Fried Rice, Pares ni Tino at O2 Cafe.
Dangan naman kasi, wala silang business permit — pero business as usual ang mga damuho.
Sa kabila ng makailang ulit na paalala para sa kanilang pagtalima, pinili ng anim na establisyemento balewalain ang lokal na pamahalaan. Ang resulta, naglabas ng closure order ang Business Permits and Licensing Office (BPLO).
Pero sa halip na sumunod sa tamang proseso, binaklas pa ng mga kapitalista sa likod ng mga naturang establisyemento, ang karatula kung saan nakalimbag ang katagang “Closed” bunsod ng patong-patong na paglabag sa lokal na reglamento.
Katwiran ng mga may-ari ng ipinasarang negosyo, kawawa naman umano ang kanilang empleyado… susmaryosep!
Huwag niyo na gamitin ang mga pobreng nagtatrabaho dahil wala rin naman sa minimum wage ang kanilang tinatanggap na sweldo.
Ang masaklap, residential area ang kategorya ng lupang tinayuan nila ng negosyo.
At heto pa, lumikha ng eksena ang mga negosyanteng switik. Gamit ang mga bayarang guwardiya, nagpaulan ng sunod-sunod na putok ng baril hindi kalayuan sa mga kabahayan.
Pakay rin sila ng reklamo ng mga residenteng nabubulahaw sa kanilang pamamahinga lalo pa’t sa gabi nagbubukas ang mga naturang establisyemento.
Ang diskarte ng mga impertinenteng negosyante, gamitin ang mga kawawang manggagawa sa barikada para hindi maikandado ang kanilang pwesto.
Sa gabi naman, pinagagala ang mga naglalakihang aso (K-9) na handang manakmal sa hudyat ng amo.
‘Yan ang mga klase ng mga negosyanteng dapat sampolan.
91 