HIGIT 346,000 KATAO APEKTADO NG MINDANAO QUAKE— NDRRMC

UMAKYAT na sa mahigit 346,000 katao ang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa 8 a.m. report nitong Huwebes, sinabi ng NDRRMC na aabot sa 346,449 katao o 75,324 pamilya mula sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang naapektuhan ng malakas na pagyanig.

Sa naturang bilang, 16,349 katao o 3,515 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation center habang 29,260 katao o 7,279 pamilya naman ang pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.

Nananatili sa 47 ang opisyal na bilang ng mga nasawi batay sa tala ng NDRRMC, kabilang ang 35 mula sa Soccsksargen at 12 sa Davao Region.

Gayunman, ayon sa hiwalay na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Miyerkoles, umakyat na sa 53 ang napaulat na bilang ng mga namatay dahil sa lindol.

Naitala rin ang 688 sugatan habang 33 katao ang nananatiling nawawala.

Idineklara na rin ang state of calamity sa buong lalawigan ng Davao Occidental at sa mga lugar ng Malapatan at Glan sa Sarangani, gayundin sa General Santos City at ilang bahagi ng South Cotabato.

Ayon sa NDRRMC, nagdulot din ang lindol ng 37 landslides, pitong tension cracks at isang tsunami alert.

Kabuuang 45 road sections at walong tulay ang naapektuhan ng sakuna. Sa bilang na ito, 37 kalsada at anim na tulay na ang muli nang madaanan.

Naitala rin ang pagkawala ng suplay ng kuryente sa 48 lugar, bagama’t naibalik na ang serbisyo sa pito sa mga ito.

Nananatiling hindi operational ang isang paliparan sa Soccsksargen habang nagbalik-operasyon na ang dalawang seaport sa BARMM.

Umabot naman sa 238 imprastraktura ang nasira habang suspendido ang klase sa 210 lugar at trabaho sa 113 lugar dahil sa epekto ng lindol.

Ayon sa NDRRMC, nasa P26.33 milyon na halaga ng tulong ang naipamahagi sa mga apektadong residente.

(CHRISTIAN DALE)

103

Related posts

Leave a Comment