POSIBLENG maharap sa kasong illegal employment ang pamunuan ng Ateneo de Manila University kapag napatunayang nagkaroon ng paglabag sa pagkuha kay Coach Tab Baldwin bilang head coach ng Men’s Basketball Team.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino, sisiyasatin kung may balidong Alien Employment Permit (AEP) si Baldwin at kung saklaw ng permit ang kanyang tungkulin bilang head coach.
Sa Lunes ay pinadadalo ni Tolentino si Baldwin upang malinawan ang usapin kaugnay sa kanyang employment status sa unibersidad.
Aniya, maaaring managot ang Ateneo sa ilalim ng Labor Code kung mapatutunayang may paglabag sa mga regulasyon hinggil sa pag-empleyo ng mga dayuhan.
Samantala, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na natanggap na nito ang kahilingan para sa pagpapalabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa Ateneo head coach.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, dalawang magkahiwalay na request ang kanilang natanggap mula sa PNP-CIDG at kay Atty. Israelito Torreon, abogado ni Rene Baterbonia.
Sa kasalukuyan ay sumasailalim pa sa masusing evaluation ang mga kahilingan batay sa mga impormasyong nakalap ng DOJ.
Umaasa naman ang Philippine National Police na makikipagtulungan ang lahat ng coach, manlalaro at iba pang indibidwal na ipinatawag bilang bahagi ng imbestigasyon.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., mahalaga ang mga testimonya ng mga saksi upang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng pagkalunod ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa Aurora.
Sa Lunes ay pinadadalo sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga coach at manlalaro ng Ateneo matapos silang padalhan ng subpoena bilang bahagi ng fact-finding investigation.
Sinusuri rin ng mga awtoridad ang posibilidad ng paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 kaugnay ng isinagawang team-building activity sa isang beach resort.
Nauna nang iniulat ng Aurora Police Provincial Office na walang nakitang indikasyon ng foul play sa paunang imbestigasyon.
Gayunman, nagpapatuloy ang pagsisiyasat habang kinukumpleto ng mga awtoridad ang mga salaysay ng mga saksi at iba pang mahahalagang detalye.
Tiniyak naman ni Gen. Nartatez na magiging patas, legal at walang kinikilingan ang isinasagawang imbestigasyon.
(JULIET PACOT/TOTO NABAJA)
107 