HINDI magpapatinag si Department of National Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. sa ipinataw na sanctions ng China laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan, iginiit ni Teodoro na karapatan ng China ang naturang hakbang ngunit hindi nito mababago ang kanyang paninindigan sa pagtatanggol sa interes ng Pilipinas.
“Karapatan nila iyan. Ganoon talaga ang ginagawa nila sa mga nagsasabi ng katotohanan sa panlilinlang nila. Ang mga kababayan nila at ibang nasasakop nila ay mas grabe pa ang inaabot,” ani Teodoro.
Binigyang-diin ng kalihim na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin at ipagtatanggol ang bansa laban sa anumang banta sa soberanya at karapatan nito.
“I will just keep doing my duty and uphold our nation in the face of the wickedness they are committing here and even in our seas,” dagdag niya.
Matatandaang inanunsyo kamakailan ng Ministry of Foreign Affairs ng China ang sanctions laban kay Teodoro, kanyang asawa at anak dahil umano sa mga pahayag nitong nakasasama sa interes ng China at sa ugnayan ng Beijing at Maynila.
Sa ilalim ng sanctions, ipinagbabawal sa pamilya Teodoro ang pagpasok sa mainland China, Hong Kong at Macau. Ipinagbabawal din sa mga Chinese entity ang anomang transaksyon o pakikipag-ugnayan sa kanila.
Sa inilabas na pahayag ng China Embassy in Manila, sinabi ng Beijing na layunin ng hakbang na protektahan ang “national sovereignty, security and development interests” ng China.
Hindi naman tinukoy ng China kung alin sa mga naging pahayag ni Teodoro ang naging batayan ng sanctions.
Nauna nang kinuwestiyon ni Teodoro ang posisyon ng China sa Balikatan Exercises at maging ang pagbanggit nito sa mga naitulong sa Pilipinas noong panahon ng pandemya.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokeswoman Mao Ning, si Teodoro ay “known to vilify China.”
Binatikos naman ng Department of Foreign Affairs ang hakbang ng China at tinawag itong isang “unfriendly act.”
Ayon sa DFA, hindi makatutulong ang naturang hakbang upang mapalalim ang tiwala at maayos na mapangasiwaan ang mga hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.
Dumating ang sanctions sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng mga usapin sa West Philippine Sea.
Ayon naman kay Chinese Embassy Spokesperson Ji Lingpeng, patuloy na gagawin ng China ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang interes ng kanilang mga mamamayan at institusyon sa Pilipinas.
Pinalagan din ng China ang naging pahayag ni Teodoro sa Shangri-La Dialogue hinggil sa mga tulong na ibinigay ng Beijing sa Pilipinas.
“This is a typical case of biting the hand that feeds you. There’s a saying in the Philippines: ‘Kapag nakatawid na sa ilog, limot na ang tulay,'” ani Ji.
“Despite China’s selfless support, Secretary Teodoro couldn’t even bring himself to say thank you,” dagdag pa nito.
(JESSE RUIZ)
97 