IGINIIT ni Senador Panfilo Lacson na dapat payagan ang lahat ng senador na gampanan ang kanilang tungkulin bilang senator-judge sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Tinukoy ni Lacson ang sitwasyon ni Senador Jinggoy Estrada at sinabing maaaring maghain ng mosyon ang impeachment court sa Sandiganbayan upang payagan itong dumalo sa paglilitis.
Gayunman, inamin ni Lacson na magiging “awkward” ang sitwasyon dahil sa umaga ay magsisilbi si Estrada bilang senator-judge na nakasuot ng robe ngunit sa gabi ay babalik sa kulungan na nakasuot ng Person Deprived of Liberty (PDL) shirt.
Alan Dapat Magising sa Katotohanan
Hinikayat din ni Lacson si Senador Alan Peter Cayetano na tanggapin ang realidad na siya na lamang umano ang kumikilala sa sarili bilang Senate President.
Ayon kay Lacson, malinaw na kinikilala ng mga institusyon, kabilang ang Malakanyang at Kamara, ang liderato ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian.
Dahil dito, hinamon niya si Cayetano na dalhin sa plenaryo ang anomang debate sa halip na sa social media.
Tiniyak din ni Lacson na handa ang kanilang kampo sa anomang hakbang na gagawin ni Cayetano.
Aniya, hindi dapat maliitin ang kakayahan ni Cayetano dahil minsan na rin niyang ginawa ang pagkandado at pagtago sa mace ng Kamara noong mga panahong ayaw niyang bumitiw bilang House Speaker.
18 ex-Bodyguards ‘Wag Gamitin
Umapela rin si Lacson sa mga grupong umano’y nagbabantang manggulo sa Senado na huwag gamitin ang 18 dating bodyguards ni dating Cong. Zaldy Co upang lumikha ng kaguluhan.
Kinumpirma ni Lacson na may natanggap na impormasyon hinggil sa posibleng banta sa seguridad ng Senado ngunit agad itong naagapan sa pamamagitan ng mga hakbang na ipinatupad ni Gatchalian.
Ayon pa sa senador, nakapagtataka ang presensya ng 18 dating bodyguards ni Co sa Senado kasabay ng pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga flood control project kahit hindi naman sila dumalo sa hearing.
Isa umanong posibleng senaryo ay gamitin ang mga ito upang makalikha ng insidente na maaaring magdulot ng kaguluhan sa bansa.
58 