GENERAL SANTOS CITY — Personal na nagtungo si Senadora Camille Villar sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol upang maghatid ng tulong at makiisa sa mga pamilyang patuloy na bumabangon mula sa sakuna.
“Sa panahon ng sakuna, higit kailanman kailangan nating maramdaman na may nagkakaisa at handang tumulong. Hindi lamang ito tungkol sa relief goods. Ito ay pagpapakita ng malasakit at pakikiisa sa bawat pamilyang naapektuhan ng lindol,” ani Villar.
Kasama sina Senador Robinhood Padilla, General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao at Barangay Lagao Chairman Jaime Tatad, binisita ni Villar ang mga evacuation center sa Barangay Lagao.
Pinangunahan niya ang pamamahagi ng relief goods na kinabibilangan ng bigas, pagkain at inuming tubig para sa mga evacuee.
Bago ang kanyang pagbisita, kabilang sina Villar at Senador Mark Villar sa mga unang nagpadala ng tulong sa lungsod sa pamamagitan ng mga suplay ng bigas at mineral water.
Nagbigay-pugay rin si Villar kay Joey Puntual Deluvio, isang empleyadong nasawi habang sinusubukang iligtas ang kanyang kapwa manggagawa na naipit sa gumuhong gusali matapos ang lindol.
“Sa gitna ng takot at panganib, pinili niyang iligtas ang kapwa. Nakikiramay kami sa kanyang pamilya at ipinapanalangin namin ang kanyang kaluluwa,” ani Villar.
Tiniyak din ng senadora ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagdating ng tulong sa mga naapektuhang komunidad.
“Habang nakikiramay tayo sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at ipinagdarasal ang kaligtasan ng lahat ng naapektuhan, nananatili tayong matatag sa pagtulong sa ating mga kababayan. Sa panahon ng kalamidad, pinakamahalaga ang pagkakaisa, malasakit at mabilis na pagkilos upang matiyak na walang maiiwan sa ating pagbangon,” pagtatapos ni Villar.
(Danny Bacolod)
33 