NAKATAKDANG bumiyahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kazan, Russia sa susunod na linggo para sa kanyang kauna-unahang bilateral meeting kay Russian President Vladimir Putin at upang pangunahan ang ASEAN-Russia Commemorative Summit bilang ASEAN Chair.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) ASEAN 2026 Philippines Spokesperson Dominic Xavier Imperial, gaganapin ang summit sa Hunyo 17 at 18 kung saan magsasama-sama ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Russia upang suriin ang kanilang strategic partnership at pag-usapan ang mga susunod na hakbang para sa kooperasyon.
Bilang ASEAN Chair, magsisilbing co-chair ng summit si Pangulong Marcos kasama si Putin.
Mahalaga ang pagpupulong dahil kasabay nito ang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at Russia ngayong taon at ito rin ang unang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Moscow bilang Pangulo.
Sa sidelines ng summit, inaasahang magkakaroon ng bilateral meeting sina Marcos at Putin na tututok sa usapin ng food security at energy security.
“The meeting will most likely focus on food security and energy security. That is mutually important for both countries, for the Philippines and Russia,” ayon kay Imperial.
Posible rin umanong talakayin ng dalawang lider ang turismo, edukasyon, agham at teknolohiya, people-to-people exchanges at iba pang regional at international concerns.
Kabilang din sa mga maaaring mapag-usapan ang kooperasyon sa langis, natural gas at paggamit ng nuclear technology para sa civilian applications.
Ayon kay Imperial, maaari ring mabuksan sa usapan ang importasyon ng langis mula sa Russia habang patuloy ang pangamba sa epekto ng sitwasyon sa Strait of Hormuz sa pandaigdigang suplay ng enerhiya.
“Anything can be discussed under that area or agenda during the meeting of the two leaders,” aniya.
Inaasahang pagtitibayin sa summit ang Kazan Declaration 2026, mga joint statement sa energy at cultural cooperation, at ang ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action 2026-2030 na magsisilbing roadmap ng ugnayan ng dalawang panig sa mga susunod na taon.
Tatalakayin din ang kooperasyon sa biosafety, biosecurity, outer space at satellite applications, kalakalan, turismo, edukasyon at people-to-people exchanges.
Sa kabila ng nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, sinabi ni Imperial na walang inaasahang deklarasyon kaugnay ng naturang sigalot dahil nakatuon ang summit sa pagpapalawak ng kooperasyon sa pagitan ng ASEAN at Russia.
Binigyang-diin din niya na bilang ASEAN Chair, tungkulin ng Pilipinas na palakasin ang external relations ng regional bloc sa mga dialogue partners nito kabilang ang Russia.
Aniya, makikinabang ang Pilipinas at buong ASEAN sa pakikipagtulungan sa Russia sa larangan ng counter terrorism, transnational crime, climate change, disaster management, health at law enforcement capacity building.
Ayon pa sa DFA, mahigit 30,000 Russian tourists ang bumisita sa Pilipinas noong 2024 habang tinatayang nasa 15,000 Filipino ang kasalukuyang naninirahan sa Russia.
Makakasama ng Pangulo sa biyahe sina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at ilang opisyal mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Kabilang sa iskedyul ni Pangulong Marcos sa Kazan ang ASEAN-Russia plenary session, working lunch, business forum, bilateral meeting kay Putin, gala dinner para sa mga lider at isang joint press conference.
Ang summit din ang kauna-unahang in-person engagement ng ASEAN at Russia sa antas ng mga lider mula nang idaos ang special virtual meeting noong panahon ng COVID-19 pandemic.
(CHRISTIAN DALE)
49 