CAYETANO NAGBABALA SA POSIBLENG PAGBALUKTOT SA IMPEACHMENT RULES

NAGBABALA si Senate President Alan Peter Cayetano laban sa posibleng pagbaluktot sa mga patakaran ng nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte dahil umano sa paiba-ibang interpretasyon ng voting requirements ng kampo ni Senator Sherwin Gatchalian.

Ito ang pahayag ni Cayetano matapos kumpirmahin ni Gatchalian sa isang Facebook post na 16 na boto ang kinakailangan upang mahatulan o ma-convict ang isang impeachable official.

Ayon kay Gatchalian, nakasaad sa Konstitusyon na kailangan ang two-thirds vote ng lahat ng miyembro ng Senado para sa conviction. Dahil nakapirmi sa 24 ang bilang ng senador, katumbas ito ng 16 na boto.

Ngunit sinabi ni Cayetano na taliwas ito sa naging posisyon ng kampo ni Gatchalian sa usapin ng paghalal sa Senate President Pro Tempore kung saan 12 boto lamang umano ang ginamit.

Sa ilalim aniya ng Rule II ng Senate Rules, majority vote “of all its members” ang kinakailangan para sa naturang posisyon. Kung pagbabatayan ang kabuuang 24 miyembro ng Senado, 13 boto ang majority at hindi 12.

“Instinct ko sana purihin si Senator Win Gatchalian n’ung sinabi niyang 16 talaga yung kailangan para ma-convict ang impeachable officer,” ani Cayetano sa isang livestream.

“Sinabi din nila paulit-ulit na kung wala kayong 13, hindi n’yo pwedeng palitan yung officers — the head of OSAA, the Senate Secretary, Senate President Pro Tempore, and the Senate President.

Pero gumawa sila ng formula na pwede na ang 12,” dagdag niya.

Dahil dito, sinabi ni Cayetano na mahirap umanong magtiwala na magiging pare-pareho ang pamantayang gagamitin sa impeachment proceedings.

“Are we going to really have an impartial trial, or aayusin at luto na? Are we going to tell the truth na dapat 16 to convict, or babawasan ba ng anim na senador para maging 12 na lang?” tanong niya.

Giit ng Senate President, nararapat lamang na maging patas at naaayon sa Konstitusyon at Senate Rules ang impeachment trial nang hindi binabago ang mga patakaran para lamang makamit ang nais na resulta.

“We’re fighting for truth — na lumabas ang buong katotohanan, maging sa impeachment ‘yan, Blue Ribbon Committee, sa leadership sa Senado,” ani Cayetano.

“We’re fighting na maging independent ang Senado at hindi utus-utusan lang ng Malacañang. We’re fighting na mawala ang corruption at poverty sa ating bansa,” dagdag pa niya.

68

Related posts

Leave a Comment