NAGPAHIWATIG si Senador Panfilo Lacson na sa special session sa Miyerkoles ang delulu pa more ay magiging delulu no more.
Nais nitong ipakahulugan na matatapos na ang mga isyu sa Senado sa pagharap nila sa special session.
Umaasa ang bagong Senate Majority Bloc na mareresolba na ang isyu sa liderato sa Senado sa special session.
Sinabi ni Senador Erwin Tulfo na umaasa siyang pagdating sa Miyerkoles ay mayroon na silang 13 na susuporta kay Senador Sherwin Gatchalian bilang lider ng Senado.
Pinanghahawakan ni Tulfo ang pangako ni Senador Alan Peter Cayetano na bibitiw na siya sa ipinaglalabang pwesto kung makabuo ng 13 ang kabilang panig.
Bagama’t hindi pa rin anya malinaw ang posisyon ni Senador Joel Villanueva ay ikinatutuwa na nila ang commitment nitong dumalo sa special session.
Kinumpirma pa ni Tulfo na may dalawa pang senador ang patuloy na kinakausap upang makuha sa kanilang panig.
Tiniyak din ng mayorya na handa silang tumugon sa panawagan upang talakayin at aksyunan ang mahahalagang usaping nakaaapekto sa mamamayan.
Ayon kay Senador Juan Miguel Migz Zubiri, malinaw at agaran ang mga usapin na dapat pagtuunan ng pansin ng Senado, kabilang ang pangangalagang pangkalusugan, pondo para sa edukasyon, at tulong para sa mga Pilipinong nahaharap sa krisis.
Sinabi ng senador na ang mga ito ay mga hakbang na maaaring maghatid ng konkretong ayuda at suporta sa mga pamilyang nangangailangan ng mabilis at mahabaging pagtugon mula sa pamahalaan.
(DANG SAMSON-GARCIA)
61 