TINANGGAP ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa special session ng Kongreso sa Hunyo 17 at tiniyak na handa ang Kamara de Representantes na tapusin ang mga prayoridad na panukalang magbibigay ng benepisyo sa mga pamilyang Pilipino.
“Handa ang Kamara de Representantes na tugunan ang panawagan ng Pangulo at ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga panukalang batas na direktang tumutugon sa pangangailangan ng ating mamamayan,” ani Speaker Dy.
Ayon kay Dy, lahat ng mga panukalang tinukoy ni Pangulong Marcos sa Proclamation No. 1318 ay naaprubahan na ng Kamara.
Kabilang dito ang National Center for Geriatric Health Act, mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA), Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict-Affected Areas (GIDA) Schools Act, mga amyenda sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, Anti-Political Dynasty Law at Presidential Merit Scholarship Program Act.
Bago ang sine die adjournment noong Hunyo 3, nakapag-aksyon na ang Kamara sa 26 sa 52 prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sa naturang bilang, isa na ang naging ganap na batas, isa ang nakatapos sa bicameral conference committee, tatlo ang nasa bicam deliberations at 21 ang naaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa.
Bukod dito, naaprubahan na rin ng Kamara ang iba pang prayoridad na panukala gaya ng National Land Use Act, Right to Information Act, mga amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Department of Water Resources Act, reorganisasyon ng Energy Regulatory Commission (ERC), Waste-to-Energy Act, Digital Payments Act at Anti-Fake News and Disinformation Act.
Ayon kay Dy, ipinakikita ng special session ang determinasyon ng administrasyon na maipasa agad ang mga batas na makatutulong sa mga estudyante, senior citizens, mahihinang sektor at iba pang pamilyang Pilipino.
“Malaki na ang naisagawang paghahanda ng Kamara para sa mga prayoridad na repormang ito. Handa kaming makipagtulungan sa Senado at sa Ehekutibong Sangay upang makumpleto ang prosesong lehislatibo at maihatid ang makabuluhang benepisyo sa mamamayang Pilipino,” ani Dy.
Idinagdag pa niya na hindi nagtatapos sa pagpasa ng mga panukalang batas ang trabaho ng Kamara.
“Responsibilidad naming tumulong upang matiyak na magiging ganap na batas ang mga ito at maisasalin sa mas magandang buhay, mas maraming oportunidad at mas ligtas na kinabukasan para sa ating mamamayan,” dagdag ng Speaker.
Samantala, sinabi naman ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na sumasalamin ang panawagan ng Pangulo sa layunin ng administrasyon na agarang maaksyunan ang mga panukalang may malaking epekto sa buhay ng mga Pilipino.
“Ipinakita ng Kamara ang kahandaan nitong kumilos nang may katatagan sa mahahalagang reporma. Inaasahan naming makatrabaho ang aming mga kasamahan sa Senado at mga katuwang sa Ehekutibong Sangay upang makumpleto ang mga panukalang ito at maihatid ang tunay at pangmatagalang benepisyo sa mamamayang Pilipino,” ani Marcos.
(CHRISTIAN DALE/TINA MENDOZA)
51 