ULAN, BIYAYANG DAPAT PANGALAGAAN AT PAKINABANGAN – 4K PARTY-LIST REP. IRIS MONTES

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA tuwing dumarating ang tag-ulan, karaniwan nang nababalot ng pangamba ang maraming Pilipino.

Baha sa mga lansangan, pagkasira ng mga tahanan, at abala sa pang-araw-araw na buhay ang madalas na naiuugnay sa malalakas na pag-ulan.

Ngunit sa likod ng mga hamong ito ay isang mahalagang katotohanan: ang ulan ay isa sa pinakamalaking likas na yaman ng ating bansa na matagal nang hindi lubos na napakikinabangan.

Kaya naman nararapat lamang na bigyang-pansin ang House Bill No. 6034 na inihain ni Assistant Minority Leader at 4K Party-list Representative Congw. Iris Montes.

Layunin ng panukalang batas na ito na gawing mas sistematiko ang pamamahala at paggamit ng rainwater runoff upang makatulong sa paglutas ng mga suliraning kinahaharap ng bansa tulad ng pagbaha, kakulangan sa tubig, at pagkasira ng kapaligiran.

Napapanahon ang panukalang ito lalo na’t patuloy na nararanasan ng bansa ang matitinding epekto ng climate change.

Sa isang banda, may mga lugar na nilulunod ng baha tuwing may bagyo o habagat.

Habang sa kabilang banda naman, may mga komunidad na nakararanas ng kakulangan sa malinis na tubig kapag tag-init.

Aba’y ipinakikita lamang nito na hindi kakulangan ng tubig ang pangunahing problema kundi ang kakulangan ng maayos na sistema para sa pag-iimbak at paggamit nito.

Mahalaga rin ang probisyong nag-oobliga sa mga developer at may-ari ng lupa na magsumite ng Rainwater Management Plan.

Sa pamamagitan nito, masisiguro na ang mga bagong proyekto at imprastraktura ay hindi lamang nakatuon sa pag-unlad kundi maging sa pangangalaga sa kapaligiran at pag-iwas sa mga suliraning dulot ng hindi maayos na drainage at water management.

Higit pa rito, ang pagtataguyod ng green infrastructure at sustainable design ay isang hakbang tungo sa mas responsableng urban development.

Kaya sa halip na hayaang masayang ang tubig-ulan at magdulot ng pagbaha, maaari itong maging mahalagang mapagkukunan para sa irigasyon, groundwater recharge, firefighting, at iba pang pangangailangan ng komunidad.

Ang House Bill No. 6034 ay hindi lamang isang panukalang batas tungkol sa tubig. Ito ay isang pananaw para sa mas matatag, mas ligtas, at mas handang Pilipinas.

At sa pangunguna ni Congw. Iris Montes, naipakikita na ang makabagong solusyon ay nagsisimula sa tamang pagtingin sa ating mga likas na yaman.

Panahon na upang makita ang ulan hindi bilang kalamidad na dapat katakutan, kundi bilang biyayang dapat pangalagaan at pakinabangan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.

77

Related posts

Leave a Comment