SUGATAN ang limang Grade 5 pupils matapos silang pagsasaksakin ng isang Grade 8 student sa loob mismo ng kanilang silid-aralan sa isang pribadong paaralan sa General Trias City, Cavite nitong Martes ng umaga.
Patuloy na ginagamot sa ospital ang mga biktima na pawang mag-aaral ng Bethel Academy, habang ang suspek ay isang babaeng Grade 8 student mula rin sa naturang paaralan.
Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng umaga sa loob ng Bethel Academy School sa Brgy. Sta. Clara corner Navarro, General Trias City.
Ayon sa isang saksi, dakong alas-8:20 ng umaga nang bumaba ang suspek mula sa kanilang classroom sa ikalawang palapag at nagtungo sa silid-aralan ng mga biktima sa ground floor.
Pagpasok umano nito sa classroom ay agad nitong pinagsasaksak ang mga estudyante gamit ang isang kutsilyo.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
(SIGFRED ADSUARA)
67 