CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SA bawat trahedyang gumigising sa damdamin ng sambayanan, may mga taong mas mabilis pang magbigay ng komento kaysa maglaan ng panalangin.
Muling ipinakita ng social media ang madilim nitong mukha sa pagpanaw ng dalawang estudyanteng atleta ng Ateneo de Manila University. Habang nagluluksa ang mga pamilya, kaibigan at kapwa estudyante nina Rene Baterbonia at Divine Adili, may mga indibidwal namang nagmamadaling gumawa ng content, magbigay ng opinyon at maglatag ng sari-sariling teorya na para bang sila mismo ang saksi sa nangyari.
Ang mas nakalulungkot, may ilan pang tila ginagawang negosyo ang trahedya.
Hindi kataka-takang maglabas ng sama ng loob si Ateneo Blue Eagles men’s volleyball player Aimar Okeke laban sa mga content creator na ginagamit ang sinapit ng kanyang mga schoolmate para sa views, engagement at kita. Sa kanyang Instagram story, tahasan niyang kinondena ang mga taong nagkukuwento at nag-aanalisa sa nangyari habang tila walang pakialam sa sakit na dinaranas ng mga naulila.
Mabigat ang kanyang mga salita, pero sabi nga, dasurv ng mga pasaway, pabibo at mema.
Sa panahon ngayon, tila mas mahalaga sa ilan ang algorithm kaysa katotohanan. Mas mahalaga ang dami ng likes kaysa respeto sa mga namayapa. Hindi pa man tapos ang imbestigasyon, may mga “eksperto” na agad sa social media. May mga hatol na. May mga nagbibintang, may mga naghuhusga, at may mga gumagawa ng mga kuwentong walang sapat na batayan.
Nakababahala na sa bawat trahedya ay may mga taong handang pagkakitaan ang pinagdaraanan ng iba.
Hindi ito unang pagkakataon. Ganito rin ang nangyari sa maraming kontrobersiya at malalaking insidente sa nakaraan gaya na lang ng hazing sa ilang paaralan at institusyon. Sa umpisa ay maingay ang lahat. Maraming nagpapakita ng pakikiramay, galit o pagkabahala. Ngunit paglipas ng ilang araw o linggo, humuhupa rin ang ingay. Lumilipat ang atensyon sa panibagong viral issue.
Ang mga pamilya ng biktima ang naiiwan. Sila ang patuloy na nagdadalamhati. Sila ang naghahanap ng mga sagot. Sila rin ang naghihintay ng hustisya.
Sa kaso nina Rene at Divine, dalawang panig ang higit na nangangailangan ng espasyo at respeto. Una, ang mga naulila at mga mahal sa buhay na kasalukuyang nagluluksa. Ikalawa, ang mga tao at institusyong sangkot sa proseso ng imbestigasyon na naghahanap din ng buong katotohanan sa nangyari.
Hindi makatutulong ang mga haka-haka. Hindi makatutulong ang mga content na nakabatay lamang sa tsismis o personal na interpretasyon. Lalong hindi makatutulong ang mga komentaryong ang layunin ay magpasiklab ng emosyon upang dumami ang viewers at subscribers.
Ang kailangan ngayon ay katinuan, paggalang at malasakit.
May mga pagkakataong ang pinakamabuting magagawa natin ay manahimik muna, maghintay at bantayan ang resulta ng imbestigasyon at magbigay-galang sa mga pamilyang nasasaktan. Hindi lahat ng pangyayari ay kailangang gawing content. Hindi lahat ng trahedya ay oportunidad para sumikat.
Hindi naman ito contest na kung sino ang mabilis mag-post o magkomento, mahalaga ngayon ang pahalagahan ang dignidad ng kapwa, lalo na sa oras ng kanilang pinakamalalim na pagdurusa.
Dahil kung ang kamatayan ng dalawang kabataan ay paraan lamang para kumita, magpasikat o makahakot ng followers, aba, itanong n’yo kaya sa mga sarili n’yo kung may natitira pa ba kayong konsensya.
73 