MGA BIKTIMA NG LINDOL SA MINDANAO, NANGANGAILANGAN NG TULONG!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HABANG abala ang ating mga politiko sa pamumulitika at pagbabantay sa kani-kanilang personal na interes dito sa Kamaynilaan, sumisigaw naman sa paghingi ng tulong ang mga residenteng biktima ng lindol noong nakaraang linggo.

Sa huling bilang ng NDRRMC, umabot na sa halos 70 ang bilang ng mga nasawi sa nasabing lindol, habang daan-daan ang apektado pa rin ang kabuhayan.

Nakarating naman agad ang tulong ng DSWD sa Mindanao at personal na pinuntahan ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang mga biktima pero sana ay madagdagan pa ang tulong na natatanggap dahil napakarami ng nangangailangan ng tulong upang makabangong muli.

Mapaiisip ka, kung ito ay mangyayari sa Kamaynilaan, paano tutugunan ng gobyerno ang malaking sakuna, dahil tiyak na mas malaking problema kung ito ay sasapitin ng Metro Manila, kung saan nagtataasan ang mga gusali at mas maraming tao.

Sa ngayon, dapat ay may nakalaan nang plano para rito, pondo, grupo at iba pang kakailanganin upang matiyak na magiging proactive ang gobyerno.

Sa panahon na nangyayari ngayon sa mga politiko sa bansa natin, imbes na pagtuunan ang pangangailangan ng bansa, kung anu-ano ang kanilang inuuna.

Dito natin makikita kung ano ang kahandaan ng bansa natin sa ganitong sakuna. Gaano kabilis makatakbo ang tulong at kung sinu-sino ang tatakbo para tumulong.

Sana lang talaga ay matapos na ang magulong sistemang umiiral ngayon sa bansa. Pagod na ang mamamayan. Sana naman ay tayo naman ang iisipin ng mga nasa pwesto, hindi puro sarili lang nila.

Sa mga gustong tumulong pa sa mga nasalanta ng lindol sa Mindanao, maaari po kayong bumisita sa Kaagapay Donations Portal ng DSWD.

56

Related posts

Leave a Comment