NANAWAGAN si Senador Mark Villar sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na agarang suriin at repormahin ang ilan sa mga umiiral nitong polisiya, partikular ang 24-hour confinement requirement, kasunod ng reklamo ng isang biyuda na hindi umano nakatanggap ng benepisyo dahil sa naturang patakaran.
Ayon kay Villar, dapat nakatuon ang healthcare system sa mas malawak na access at mas mabilis na serbisyo sa halip na mga polisiyang nagdudulot ng kalituhan at pangamba sa mga miyembro.
“May Universal Health Care Law na tayo. Ang direksyon ng ating healthcare system ay dapat nakatuon sa mas malawak na access at mas mabilis na serbisyo, hindi sa mga patakarang nagdudulot ng kalituhan at pangamba sa mga miyembro. Walang pamilyang dapat mawalan ng benepisyong matagal nilang pinaghirapan dahil lamang sa teknikalidad,” ani Villar.
Iminungkahi rin ng senador na magsagawa ang PhilHealth ng komprehensibong pagrepaso sa claims processing system nito, kabilang ang pagsusuri sa 24-hour confinement policy.
Nanawagan din siya na paigtingin ang information at education campaign upang malinaw na maipaliwanag sa mga miyembro ang kanilang mga benepisyo at karapatan.
Ayon kay Villar, mahalaga ang mga repormang ito upang maiwasan ang hindi makatarungang pagbasura sa mga claim dahil lamang sa mga teknikalidad na hindi naman orihinal na layunin ng Universal Health Care Law.
Dagdag pa niya, dapat pang palawakin ng PhilHealth ang kalidad at saklaw ng mga serbisyo nito upang maisakatuparan ang isang episyente, malinaw at makataong sistemang pangkalusugan.
“Bawat kontribusyong ibinabayad sa PhilHealth ay pinaghirapan ng ating mga kababayan. Nararapat lamang na magkaroon sila ng kumpiyansa na may institusyong handang umalalay sa kanila sa oras ng pangangailangang medikal. Ang layunin ng PhilHealth ay protektahan ang mga Pilipino, at ito ay dapat na nasasalamin hindi lamang sa mga polisiya kundi sa aktwal na karanasan ng bawat miyembro,” pagtatapos ni Villar.
(DANNY BACOLOD)
100 