PINANGUNAHAN ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagsasagawa ng Second Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) kahapon bilang bahagi ng pinalawak na kampanya ng pamahalaan para sa kahandaan sa lindol.
Isinagawa sa OCD Central Office sa Camp General Emilio Aguinaldo ang ceremonial pressing of the button bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng nationwide drill.
Ganap na alas-9:00 ng umaga nang sabay-sabay na isinagawa sa buong bansa ang “Duck, Cover and Hold” procedure na sinundan ng tabletop exercise sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.
Kasabay nito, pormal ding inilunsad ang Harmonized National Contingency Plan (HNCP) for High-Intensity Earthquake in the Greater Metro Manila Area.
Ayon sa OCD, magsisilbing gabay ang naturang plano para sa mas organisado at mas matatag na pagtugon ng pamahalaan sakaling tumama ang isang malakas na lindol sa National Capital Region at mga karatig-lugar.
Sinabi ng OCD na ang bagong contingency plan ay pagpapalawak at pagpapahusay ng naunang Harmonized National Contingency Plan para sa magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila upang higit na matugunan ang kasalukuyang pangangailangan sa disaster preparedness at response.
Pinangunahan ang ceremonial launch nina Civil Defense Administrator Undersecretary Harold N. Cabreros, Department of National Defense Undersecretary Gavin D. Edjawan, Department of Social Welfare and Development Undersecretary Diana Rose S. Cajipe, Metropolitan Manila Development Authority Deputy Chairman Frisco San Juan Jr., OCD Chief of Staff Assistant Secretary Cesar M. Idio, Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Teresito C. Bacolcol at Department of the Interior and Local Government-NCR Regional Director Maria Lourdes L. Agustin.
Binigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng regular na earthquake drills at aktibong partisipasyon ng publiko upang mabawasan ang pinsala at pagkawala ng buhay sa panahon ng sakuna.
“Laging napapanahon ang ating earthquake drill at mas nabigyang-diin pa ito lalo na nang tumama kamakailan lamang ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao. Muli nitong pinaalala sa ating lahat na ang lindol ay maaaring mangyari anumang oras at sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Dahil dito, mahalagang patuloy nating pinagtitibay ang ating kahandaan,” ani Usec. Cabreros.
Dagdag pa niya, “Hindi tayo dapat maging kampante. Ang kahandaan ay hindi lamang para sa panahon ng drill; ito ay dapat maging bahagi ng ating pang-araw-araw na pamumuhay. Mahalaga na alam ng bawat isa kung ano ang tamang gagawin bago, habang, at pagkatapos ng isang lindol.”
(VERLIN RUIZ)
87 