NAGSASAGAWA ng backtracking at timeline assessment ang mga imbestigador ng Tarlac PNP kaugnay sa natagpuang dalawang bangkay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan sa gilid ng isang gasolinahan sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) southbound sakop ng Barangay San Francisco, Victoria, Tarlac.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na ulat sa sanhi ng pagkamatay (cause of death) ng dalawang indibidwal dahil kasalukuyan pa lamang itong sinusuri at inaantabayanan ang autopsy o post-mortem report mula sa Tarlac Forensic Unit.
Ayon sa mga awtoridad, nadiskubre ang pangyayari matapos na hilingin ng tagapamahala ng gasolinahan na ipasuri ang sasakyan pasado alas 2:00 ng hapon, matapos mapansin na matagal na itong nakaparada roon.
Pagdating ng mga imbestigador, ipinasyang dalhin ang sasakyan sa isang ligtas na lugar para sa masusing imbestigasyon ng Tarlac Police Provincial Office (TPPO) at Tarlac Forensic Unit.
Opisyal nang kinumpirma ng pulisya na positibo nang nakilala ng mga kaanak ang dalawang indibidwal na natagpuang patay sa loob ng sasakyan.
Subalit hindi muna inilabas ng Tarlac Provincial Police Office (PPO) ang kanilang mga pangalan at pagkakakilanlan sa publiko.
Nabatid na nakiusap ang pamilya ng mga biktima na irespeto ang kanilang desisyon na panatilihing pribado ang insidente. Humiling umano sila na huwag munang isapubliko o palawigin ang mga detalye habang nagpapatuloy ang proseso.
Aktibong pinoproseso ng forensic unit ang nakalap na mga ebidensya mula sa loob ng sasakyan upang matukoy ang eksaktong dahilan at mga anggulo sa likod ng insidente.
“Ang Tarlac Police Provincial Office (TPPO) ay nagpapaalala sa publiko na maging responsable at maingat sa pagbabahagi ng impormasyon kaugnay ng insidenteng [ito],” pahayag pa ng mga awtoridad.
“Inaasahan po natin na sa lalong madaling panahon ay makumpleto ang forensic examination… upang makatulong sa pagresolba sa naturang insidente.”
(JESSE RUIZ)
78 