Binigyan ng gabay at inspirasyon PULISYA PINALALAKAS UGNAYAN SA KABATAAN, ESTUDYANTE SA QUEZON

SA halip na operasyon kontra krimen, pakikipag-usap at paggabay sa kabataan ang naging misyon ng mga opisyal ng pulisya sa Lalawigan ng Quezon, kung saan hinikayat nila ang mga estudyante na unahin ang edukasyon at umiwas sa mga bisyo at kriminalidad.

Naging makabuluhan ang isang ordinaryong araw ng klase para sa mga estudyante ng Tagkawayan National High School sa Barangay Munting Parang, Tagkawayan, Quezon matapos silang bisitahin ng matataas na opisyal ng Police Regional Office 4A sa isang mentoring at youth engagement activity.

Pinangunahan ni Police Brigadier General Hansel Marantan, Regional Director ng PRO-4A, ang pakikipagdayalogo sa mga mag-aaral kasama sina Quezon Provincial Director Police Colonel Romulo Albacea at iba pang opisyal ng Calabarzon PNP.

Sa halip na pormal na talumpati, naging bukas ang talakayan sa pagitan ng mga opisyal at estudyante. Nakinig ang mga opisyal sa mga kuwento, pangarap, at karanasan ng mga kabataan habang binigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon, mabuting asal, at tamang pagdedesisyon sa buhay.

Ayon sa mga opisyal, mahalagang magkaroon ng mas malapit na ugnayan ang pulisya at kabataan upang mapalakas ang tiwala ng komunidad at mahikayat ang mga kabataan na maging produktibong mamamayan.

Bahagi rin ng mensahe ng pulisya ang pagpapaalala na bukod sa pagpapatupad ng batas, maaasahan din silang katuwang ng komunidad sa paggabay at paghubog ng susunod na henerasyon.

Umaasa ang pulisya na sa pamamagitan ng mga ganitong programa, mas marami pang kabataan ang mahihikayat na manatiling nakatuon sa kanilang pag-aaral at makaiwas sa mga gawaing maaaring magtulak sa kanila sa landas ng kriminalidad.

(NILOU DEL CARMEN)

105

Related posts

Leave a Comment