NASA 14 PANG CONTAINER NG MAKATI EXPRESS CARGO, NAKATAKDANG ILABAS NG BOC

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HINDI pa nga tuluyang natutuldukan ang problema sa abandonadong mga balikbayan box.

Nitong nakaraang Martes (June 16, 2026), napuntahan natin ang warehouse ng L98 sa Cavite, kung saan nakita natin ang napakarami pang balikbayan box na ipinadala sa Makati Express Cargo at inilabas ng Bureau of Customs, kaya napunta sa L98.

Wasak-wasak at nabubulok na ang laman nang buksan ang container. Halos ‘di na mabasa ang mga nakasulat sa mga kahon nito kaya’t pahirapan nang mahanap mga ang may-ari nito.

Ilan naman sa mga tatanggap ng kahon ay hindi na makontak sa sobrang tagal nang ipinadala ng mga OFW sa Makati Express, ang kanilang mga bagahe.

At nabalitaan nga natin na may nakatakdang ilabas ang BOC na mga bagong kahon na abandonado ng Makati Express Cargo na ipinadala sa bansa taong 2023-2025.

Masyadong nasasanay ang sindikato ng Makati Express Cargo dahil patuloy pa rin silang kumukuha ng mga bagahe at iniiwan ang mga kahon pagdating sa Pilipinas, dahil alam nilang hindi matitiis ng gobyerno ang mga kawawang OFW na may-ari ng mga kahon.

Pinagsasamantalahan ng mga cargo company, na katulad ng Makati Express, ang kahinaan ng batas na magbibigay ng parusa sa mga katulad nilang kawatan na kumpanya. Sinasamantala nila ang kahirapan ng mga OFW na naghahanap ng murang courier na mag-uuwi ng kanilang mga pasalubong sa kanilang pamilya, at pagsasamantalahan ang sistema ng Pilipinas na kulang sa pangil sa pagpapatupad ng mas mabigat na kaso at penalty sa mga ganitong uri ng panloloko.

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring konkretong batas na magpoprotekta sa pinaghirapan ng ating tinatawag na mga makabagong bayani.

Sila ang mga bayaning kadalasang binabalewala ng ating pamahalaan. Paano ko ito nasabi? Ang mismong kinuha ng DMW (Department of Migrant Worker) na mag-deliver ng mga abandonadong balikbayan box ay hindi pa nababayaran hanggang sa ngayon. Nasa P5 milyon ang utang ng DMW sa LOGO cargo. Sa susunod, hindi na ko magtataka kung tanggihan na ng LOGO ang DMW sakaling manghingi sila ng tulong na i-deliver ang lahat ng mga balikbayan box sa mababang presyo, dahil tulad ng nangyari kamakailan, hindi malaman ng LOGO kung kailan ang plano ng DMW na bayaran sila.

98

Related posts

Leave a Comment