ISUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang isang panukalang batas na magpapatupad ng “no work, no pay” policy para sa matataas na opisyal ng gobyerno na lumiliban sa trabaho nang walang sapat na dahilan.
Sa panayam, sinabi ni Tulfo na saklaw ng panukala ang Pangulo, Bise Presidente, mga senador, kongresista, iba pang elected officials, cabinet secretaries at department heads.
“Nakakahiya naman na ang mga ordinaryong government employees ay walang sweldo kapag absent, pero kami na mga opisyal, kahit ilang linggo o buwan na absent ay may sweldo pa rin,” ani Tulfo.
Kasama rin sa panukala ang hindi pagbibigay ng allowances sa mga opisyal na absent nang walang aprubadong leave.
Ayon sa senador, matagal nang nakasanayan ang sistemang walang sumisita sa matataas na opisyal kahit hindi pumapasok ngunit patuloy na tumatanggap ng suweldo.
“Dahil high-ranking official, sino ang maninita sa amin?” aniya.
Iginiit ni Tulfo na dapat pantay-pantay ang pagpapatupad ng patakaran.
“Ordinary employee man o high-ranking official, dapat no work, no pay ang lahat,” dagdag niya.
Matatandaang si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ay hindi nakadalo sa mga sesyon ng Senado sa loob ng anim na buwan ngunit patuloy na tumanggap ng suweldo.
Samantala, nang maaresto si Senador Jinggoy Estrada noong nakaraang buwan, siya mismo ang humiling na ihinto na rin ang pagpapasweldo sa kanya habang hindi siya makapapasok sa Senado.
“Saludo naman ako kay Senador Jinggoy na bagama’t hindi pa convicted, nagkusang sabihin na huwag na siyang paswelduhin dahil hindi na siya makakapasok sa Senado. ‘Yon ang tama,” sabi ni Tulfo.
103 