MANILA CITY COUNCIL MAY ‘PANGIL’ NA SA PAGDIDISIPLINA NG MGA OPISYAL — ATIENZA

IGINIIT ni Manila Vice Mayor Chi Atienza na hindi na lamang limitado sa pagpasa ng mga ordinansa ang ginagampanan ng 13th City Council dahil ginagamit na rin nito ang quasi-judicial powers sa pagdidisiplina sa mga opisyal ng lungsod.

Sa pakikipagpulong sa Manila City Hall Press Club (MCHPC), ipinaliwanag ni Atienza na ang quasi-judicial function ay tumutukoy sa kapangyarihan ng konseho na magsilbing hukom sa pagdinig at pagresolba ng mga administrative cases laban sa mga opisyal ng lungsod.

Ayon sa bise alkalde, mayroon nang ilang opisyal na napatawan ng parusa dahil sa iba’t ibang paglabag at pang-aabuso sa kanilang katungkulan.

Kabilang aniya rito ang apat na barangay chairman na sinuspinde ng konseho matapos dumaan sa kaukulang proseso at mabigyan ng pagkakataong magpaliwanag.

Giit ni Atienza, ito ang kauna-unahang pagkakataon na aktibong ginamit ng Manila City Council ang quasi-judicial function nito laban sa mga mapang-abuso at mapang-aping opisyal ng lungsod.

Binigyang-diin pa niya na mahalagang mapanagot ang mga lumalabag sa tungkulin upang mapanatili ang integridad at maayos na serbisyo publiko sa lungsod ng Maynila.

(JOCELYN DOMENDEN)

68

Related posts

Leave a Comment