HINDI KAILANGANG MAGUSTUHAN NG LAHAT ANG PRESIDING OFFICER

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HABANG papalapit ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, usap-usapan ang posibilidad na si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero ang magsilbing Presiding Officer. May ilan na agad na nagdududa sa kanyang pagiging patas dahil sa mga kontrobersyang kinasangkutan ng Senado sa ilalim ng kanyang pamumuno noon.

Ngunit kung pagbabatayan ang paliwanag ni UP College of Law Associate Dean at Assistant Professor Paolo Tamase, tila mas komplikado ang usapin kaysa ipinakikita ng ilan.

Halimbawa, madalas sabihin na si Escudero ang dahilan kung bakit hindi agad umusad ang impeachment proceedings noong 2025. Pero ayon kay Tamase, hindi naman siya ang nagpasimula ng desisyong ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment. Ang mungkahi ay nagmula kay Senator Alan Peter Cayetano at sinuportahan ng Senate majority.

“So in the sense na sinuportahan siya nu’ng mayorya, walang choice ‘yung Senate President to go with it,” paliwanag ni Tamase.

Ipinakikita lamang nito na ang Senado ay isang kolektibong institusyon. Hindi basta nakasalalay sa isang tao ang lahat ng desisyon nito.

Ganito rin ang sitwasyon sa naging debate tungkol sa salitang “forthwith.” Para kay Tamase, may magkakaibang pananaw ang mga eksperto kung paano ito dapat bigyang-kahulugan. Kaya hindi makatwirang ilarawan ang buong isyu bilang simpleng pag-antala o pagharang lamang sa proseso.

Isa pang mahalagang punto ang legal na karanasan ng magiging Presiding Officer. Ang impeachment trial ay isang seryosong legal na proseso na may procedural rules at constitutional questions na kailangang resolbahin habang nagpapatuloy ang pagdinig.

“Nakakatulong ‘yun kasi ‘yung abogado kahit papaano may sense siya kung ano ‘yung procedurally correct.”

Higit sa lahat, hindi naman kontrolado ng Presiding Officer ang magiging hatol sa kaso. Ang kapangyarihang magpasya ay nasa senator-judges pa rin.

Sa isang paglilitis na matindi ang interes at emosyon ng publiko, baka hindi ang pinakamahalagang tanong ay kung sino ang pinakagusto ng isang kampo. Mas mahalaga kung sino ang may kakayahang pangasiwaan ang proseso sa paraang kikilalaning patas ng magkabilang panig.

Sa huli, ang sukatan ng isang maayos na impeachment trial ay hindi kung sino ang natuwa sa resulta, kundi kung nanaig ang tiwala na nasunod ang batas at ang tamang proseso.

107

Related posts

Leave a Comment