ARESTADO ang isang CAFGU member na itinuturong gunman sa magkasunod na pamamaril sa mga bayan ng San Andres at Lopez sa Lalawigan ng Quezon noong Abril na ikinasawi ng apat na katao.
Sa press conference na isinagawa sa Camp Vicente Lim sa Laguna, inihayag ni Police Brigadier General Hansel Marantan, Regional Director ng PNP Calabarzon, ang pagkakaaresto sa suspek na si alyas “Jerome”, nakatala bilang Rank No. 1 Regional Most Wanted Person.
Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa dalawang bilang ng kasong murder, na walang inirekomendang piyansa.
Nauna nang sumuko sa mga awtoridad ang umano’y driver ng motorsiklo na si alyas “Leovin”, isang dating rebelde, na nagbigay ng mahalagang impormasyon sa mga imbestigador.
Siya rin umano ang nagturo sa kinaroroonan ng motorsiklong ginamit sa krimen na natagpuan sa Barangay Peñafrancia, Lopez, Quezon.
Batay sa imbestigasyon, noong Abril 6 nang pagbabarilin at mapaslang ng riding-in-tandem ang mag-asawang sina alyas “Jerry” at “Baby” sa Sitio Dao, Barangay Talisay, San Andres, Quezon.
Lumabas sa imbestigasyon na biktima lamang ng mistaken identity ang mag-asawa.
Makalipas ang apat na araw o noong Abril 10, muling umatake ang riding-in-tandem sa Lopez Diversion Road sa Barangay Dangalan, Lopez, Quezon kung saan napatay naman sina alyas “Jose” at “Efenia”, kapwa land agents at itinuturing na tunay na target ng mga suspek.
Ayon kay Quezon Police Provincial Director Police Colonel Romulo Albacea, posibleng ugat ng krimen ang alitan sa hatian ng komisyon sa bentahan ng lupa.
Dagdag pa ni Albacea, nagbigay na rin umano ng judicial confession ang naarestong gunman at itinuro nito ang sinasabing mastermind sa likod ng krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
99 