PBBM, WALA PANG NATATANGGAP NA REQUEST PARA MABUKSAN TAX RECORDS NINA VP SARA AT MANS CARPIO — MALACAÑANG

WALA pang natatanggap na anomang kahilingan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para pahintulutan ang pagbubukas ng selyadong “green box” na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio.

Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang nang tanungin kung papayagan ng Pangulo ang naturang kahilingan.

“Wala pa pong naibibigay na anumang request o sulat sa Pangulo,” ani Castro.

“‘Pag dumating na po ang kanilang paghiling, ito po ay aaralin at titingnan natin kung ano ang magiging aksyon ng Pangulo patungkol po diyan,” dagdag pa niya.

Sa ulat, sinabi ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson na hindi niya susuportahan ang pagbubukas ng “green box” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ni Vice President Duterte kung walang nakasulat na awtorisasyon mula sa Pangulo alinsunod sa batas.

Ayon kay Lacson, taliwas sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC) at sa umiiral na jurisprudence ng Korte Suprema ang anumang hakbang na magbubukas ng naturang mga rekord nang walang pahintulot ng Pangulo.

Dagdag pa niya, kahit ang Impeachment Court ay hindi maaaring lumabag sa batas.

“Sa akin, malinaw ang aking position na without the written authority from the President, hindi dapat pabuksan. Di ako pro-defense dito. Basta sa akin, ini-invoke ko dito ang batas,” diin ni Lacson.

Nakatakdang dinggin ngayong linggo ng Impeachment Court ang oral arguments kaugnay ng subpoena para sa mga rekord mula sa BIR, Anti-Money Laundering Council (AMLC) at mga bangko.

Binigyang-diin ni Lacson na dapat lamang payagan ang pagbubukas ng tax records kung natugunan ang lahat ng rekisito ng batas, kabilang ang nakasulat na awtorisasyon ng Pangulo.

Sinabi naman ni Castro na ang lahat ng lehitimong dokumento na makatutulong sa paglalantad ng katotohanan ay maaaring ikonsiderang mahalaga sa proseso.

Samantala, nang tanungin kung suportado ng Malacañang ang pagpapabilis ng impeachment trial laban sa Bise Presidente, sinabi ni Castro na hindi makikialam si Pangulong Marcos sa proseso ng Senado.

“Nasa pamumuno na po iyan ng Senado kung paano po nila ito mapapabilis,” ani Castro.

(CHRISTIAN DALE)

105

Related posts

Leave a Comment