KINUWESTIYON ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano ang hiling ng House prosecution panel na ilipat sa mas maagang iskedyul ang pagtestigo ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cayetano, hindi dapat ang isang pinuno ng ahensya ng gobyerno ang nagdidikta kung kailan siya haharap sa Impeachment Court.
Ito ay matapos hilingin ni House prosecutor at Iloilo Rep. Lorenz Defensor sa korte na payagang tumestigo si Matibag ngayong Martes.
Ayon sa House prosecution panel, hiniling ng hepe ng NBI na maisulong ang kanyang pagharap sa korte nang mas maaga kaysa sa orihinal na iskedyul dahil sa kanyang nakatakdang biyahe sa ibang bansa.
Sa liham na ipinadala ni Matibag sa House prosecution panel noong Hulyo 10, sinabi nitong dadalo siya sa isang summit hinggil sa scams at transnational organized crime sa Thailand kasama ang mga kinatawan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at Royal Thai Police sa Hulyo 21 at 22.
Dahil dito, hiniling ni Matibag na maisagawa ang kanyang pagtestigo sa anumang petsang angkop sa House prosecution panel bago sumapit ang Hulyo 20.
Tumutol naman ang defense team at iginiit na may umiiral na mga patakaran sa pag-iiskedyul ng mga testigo at kailangan din nilang magkaroon ng sapat na panahon upang makapaghanda para sa cross-examination.
Hiniling din ng defense panel ang kopya ng imbitasyon ni Matibag sa summit at ang kanyang travel authority.
Dahil dito, ipinagpaliban muna ng Impeachment Court ang pagresolba sa hiling habang hinihintay ang mga nasabing dokumento.
Bagama’t sinabi ni Cayetano na nauunawaan niya ang layunin ng prosecution na ayusin ang presentasyon ng kanilang mga testigo, iginiit niyang hindi dapat ang mga opisyal ng gobyerno ang nagtatakda ng iskedyul ng Impeachment Court.
“I find it in bad taste that a bureau head will dictate to us that he’s not available next week,” ani Cayetano noong Hulyo 13.
Binigyang-diin ng senador na marami nang isinantabi ang mga senator-judge, kabilang ang kanilang legislative work, oversight responsibilities, mga opisyal na biyahe at mga tungkulin sa kanilang mga nasasakupan upang gampanan ang kanilang responsibilidad bilang mga miyembro ng Impeachment Court.
“The whole government, nakatutok sa impeachment trial. We put aside so many important things. And then one witness, who is in the government, who is a bureau head, will tell us ‘sorry’ because he has to be with the FBI at siya na ang mauuna tomorrow? That might be a bad precedent,” dagdag ni Cayetano.
Nilinaw naman ni Cayetano na hindi ang estratehiya ng prosecution ang kanyang tinututulan kundi ang pagpapanatili ng maayos at patas na proseso ng paglilitis.
Ipinaalala rin niya na hindi naman nakatakdang tumestigo si Matibag sa ikaapat na linggo ng paglilitis at ang biglaang pagbabago sa listahan ng mga testigo ay maaaring makaapekto sa paghahanda ng mga senator-judge at sa maayos na presentasyon ng ebidensya.
Sinabi rin ni Cayetano na napagkasunduan na ng prosecution at defense teams sa pre-trial at maging sa open court na ang mga testigong wala sa pre-trial order ay kailangang ipaalam nang hindi bababa sa limang araw bago sila iharap sa korte.
Samantala, ang mga testigong nakatakdang humarap sa susunod na linggo ay dapat ipaalam nang tatlong araw bago ang kanilang pagtestigo.
Aniya, itinakda ang mga patakarang ito upang matiyak ang pagiging patas at maayos na daloy ng paglilitis.
Umaasa rin si Cayetano na hindi ito magiging pamantayan para sa mga susunod na testigo, lalo na sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
“I hope it doesn’t become a rule, especially for a bureau head. I don’t think it’s really a good rule,” ani Cayetano.
“Rules are important. We will not be able to move faster if we have to accommodate witnesses, especially if they’re in government,” dagdag pa niya.
90 