PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapasinaya ng bagong Port Operations Building (POB) sa Port of Benoni sa Mahinog, Camiguin.
Ang makabagong Port Operations Building ay magsisilbing integrated facility na magpapahusay at magbibigay ng mas episyenteng serbisyo sa mga pasahero at iba pang port stakeholders.
Inaasahang mapapalakas ng bagong pasilidad ang kapasidad ng pantalan, mapabubuti ang kahusayan sa operasyon at higit na mapagtitibay ang papel ng Port of Benoni bilang mahalagang lagusan ng kalakalan, turismo at transportasyon sa Camiguin.
Ininspeksyon din ni Pangulong Marcos ang bagong Port Operations Building kasabay ng pormal na pagpapasinaya nito.
Mula sa dating seating capacity na 200, nadoble na ito sa 400 upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga pasahero.
Ayon sa Pangulo, inaasahang aabot sa 955,327 ang bilang ng mga pasahero at mahigit 155,491 sasakyan ang gagamit ng pantalan pagsapit ng 2030.
Bukod dito, magbibigay rin ang Light Craft Landing Station ng ligtas at masisilungang daungan para sa mga mangingisda lalo na sa panahon ng bagyo upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan.
Kasama ni Pangulong Marcos sa inspeksyon sina Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, Port Management Office (PMO) Misamis Oriental/Cagayan de Oro Port Manager Fernando Mapalo Jr., gayundin ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan at stakeholders ng Port of Benoni.
Bilang pangunahing daungan ng Camiguin, nag-uugnay ang Port of Benoni sa isla at sa mainland Mindanao at Bohol sa pamamagitan ng Central Nautical Highway.
Ang Port of Benoni ang pangunahing maritime gateway ng Camiguin at nagdurugtong sa isla sa pamamagitan ng Port of Balingoan sa Misamis Oriental at Port of Jagna sa Bohol.
(JESSE RUIZ)
90 