SERYOSO, aktuwal at totoo ang banta sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Louise Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez mula sa mga binitiwang pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc sa kanyang pagtestigo sa harap ng Senate Impeachment Court bilang ikalawang saksi ng House prosecution panel.
Ayon kay Lotoc, na siyang namuno sa NBI Cybercrime Division noong 2024 at nangasiwa sa imbestigasyon, sapat ang nakitang prima facie evidence upang sampahan ng mga kasong kriminal ang Bise Presidente.
“To me, as the chief investigator at that time, the utterance made by the Vice President was serious, and the threat was real and actual, sir,” pahayag ni Lotoc sa direktang pagtatanong ni House prosecutors’ counsel Atty. Amando Virgil Ligutan.
Sa pagtatanong naman ni Senate Impeachment Court Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero, kinumpirma ni Lotoc na may sapat na basehan ang isinampang tatlong bilang ng grave threats at isang bilang ng inciting to sedition laban kay Duterte sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Lotoc, pumasa ang kaso sa legal standard na “reasonable certainty of conviction” o sapat na batayan upang umusad ang kaso sa korte.
Ipinaliwanag ni Lotoc na nakarating sa naturang konklusyon ang NBI matapos suriin ang online media briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, ang mga nauna nitong pahayag noong Oktubre 18, 2024, ang reaksyon ng mga pinagbantaan at ang tugon ng mga ahensya ng pamahalaan.
Sinabi ni Lotoc na apat na factors ang sinuri ng mga imbestigador, kabilang ang paraan ng paghahatid ng pahayag, ang literal na kahulugan nito, ang utos ng Bise Presidente at ang relasyon nito sa Pangulo upang matukoy kung ito ba ay bunga lamang ng galit o isang seryosong banta.
Ayon kay Lotoc, ang emosyon at kilos ni Duterte sa video recording noong Nobyembre 23 ay isa sa pinakamahalagang indikasyon sa kanilang pagsusuri.
“The Vice President was furious and fuming mad when she uttered those,” ani Lotoc.
Dagdag pa niya, nakita sa video na ilang beses umanong nagmumura at nagpapakita ng matinding galit ang Bise Presidente laban sa Pangulo, sa First Lady at kay dating House Speaker Romualdez.
Binigyang-diin din ng NBI na mas naging seryoso ang banta dahil sa pag-amin umano ni Duterte na mayroon na itong nakausap at nakontratang tao bago pa man ang naturang press conference.
“Mahalaga po ‘yan para sa amin. Basically, it’s indicative of intent that the utterances was deliberately made by the Vice President. And it really shows serious, actual, and real threat, Your Honor,” ani Lotoc.
Sa pagsusuri sa pahayag ni Duterte sa umano’y hitman na “Huwag kang tumigil hangga’t hindi mo sila mapatay,” sinabi ni Lotoc na nagpapakita ito ng determinasyon upang maisakatuparan ang krimen.
Nagbabala rin si Lotoc na maaaring samantalahin ng ibang grupo ang naturang pahayag upang maghasik ng kaguluhan at isisi ang krimen sa Bise Presidente.
Sinabi rin ni Lotoc na isinama ng NBI sa kanilang ulat ang opisyal na reaksyon ng mga pinagbantaan, kabilang si Pangulong Marcos na nagpahayag noon ng pagkabahala para sa seguridad ng bansa at ng mamamayan.
“The President took the threat by the Vice President as serious and real,” ani Lotoc.
Binanggit din niya ang pahayag ni Romualdez na inilarawan ang mga pahayag ni Duterte bilang “dangerous,” “unprecedented” at isang banta sa demokrasya at seguridad ng bansa.
(TINA MENDOZA)
66 