Ebidensya ni Leviste kontra Dayunyor

Siyanong Detektib Ni Lucio S. Papa

SA gitna ng pagdinig ng Senate Impeachment Court sa kasong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte, muling lumutang ang usap-usapan hinggil sa ebidensyang magdidiin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa malawakang katiwalian sa likod ng flood control scandal.

Partikular na tinukoy ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang umano’y dokumentong hawak ng isang bagitong kongresista mula sa lalawigan ng Batangas — si Leandro Leviste.

Kung tunay na may ebidensya laban kay Marcos, bakit ayaw pang ilabas ni Leviste ang patunay na sabit din sa dambuhalang nakawan sa pondo ng pamahalaan ang bida sa Malacañang?

Sa totoo lang, hindi naman talaga kapani-paniwalang walang alam si Marcos sa mga katiwalian sa pamahalaan. Gayunpaman, hindi kailanman maaaring gamitin bilang ebidensya sa hukuman ang salita lang ng iilan.

Pero sa tinuran ng mga kasamahan ni Leviste, may mga dokumento anilang magsisilbing mitsa para tuluyang mapanagot ang presidente. Tama ba Congressman Edgar Erice?

Kung ating babalikan ang nakaraan, sumabit si Leviste dahil sa kabiguan ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (na kanyang pagmamay-ari) na tuparin ang kasunduan sa pamahalaan.

Sa ilalim ng kontrata, dapat lumikha ng 12 gigawatts ng renewable energy ang kumpanya ni Leviste. Ito ba ang pumipigil kay Leviste na ilabas ang mga ebidensya laban kay Marcos?

Susmaryosep! Wala ka rin pala pinag-iba sa mga politiko sa Kongreso — puro dada, wala namang bisa!

Sa aking abang pananaw, dapat manindigan si Leviste lalo pa’t nangangarap din pala siyang pamunuan ang bansa bilang presidente.

Kung tunay na may ebidensya at dalisay ang pagnanais ni Leviste na tuldukan ang katiwalian sa pamahalaan, ito na ang tamang pagkakataong tumindig laban sa mga dorobo sa gobyerno.

Bata… samantalahin mo ang panahon ng tag-ulan. Sa tuwing bubuhos ang ulan, umiinit ang ulo ng mamamayan. Dangan naman kasi kabi-kabila pa rin ang baha sa kabila ng daang-bilyong pisong naubos ng pamahalaan sa mga lintek na flood control projects na ‘yan.

Kung walang ebidensya, tikom na lang ang iyong bunganga!

108

Related posts

Leave a Comment