BATAYAN NG NBI SA ‘GRAVE THREATS’ SA IMPEACHMENT CASE PINALILINAW NI CAYETANO

HUMINGI ng paglilinaw si Senator-Judge Alan Peter Cayetano sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng naging batayan nito sa pag-uuri sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez bilang grave threats.

Sa ikalimang araw ng impeachment trial ni Vice President Duterte, tinanong ni Cayetano si NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, na dating hepe ng Anti-Cybercrime Division ng ahensya at nanguna sa imbestigasyon, hinggil sa mga pahayag ng Bise Presidente sa isang online briefing noong 2024.

Nais malaman ni Cayetano kung bakit itinuring ng NBI na nakaramdam ng banta ang Pangulo, ang First Lady, at si Romualdez gayong nakabatay ang pahayag ni Vice President Duterte sa kondisyon na papatayin muna siya.

Ipinaliwanag ni Lotoc na seryosong tinrato ng NBI ang naging pahayag ng Bise Presidente. Gayunman, sinabi ni Cayetano na dapat ding sinuri ng mga imbestigador kung may banta rin sa buhay ni Vice President Duterte.

Ayon kay Cayetano, bagama’t nakababahala ang naging pahayag ng Bise Presidente, nais niyang maunawaan kung paano napagpasyahan ng NBI na maituturing itong grave threats.

Sinabi naman ni Lotoc na ibinatay ng NBI ang kanilang pagsusuri sa maaaring mangyari kapag natupad ang kondisyong binanggit ni Duterte at iginiit na natugunan ng kanyang pahayag ang lahat ng elemento ng grave threats.

Gayunman, sinabi ni Cayetano na tila hindi pa rin tumutugma ang paliwanag ng NBI sa kondisyong nakasaad mismo sa pahayag ng Bise Presidente.

Ayon pa kay Cayetano, nais lamang niyang maunawaan ang lohika at pagkakasunod-sunod ng mga pangyayaring ibinatay ng NBI sa kanilang konklusyon.

Pagpasa sa Cybercrime Unit Pinuna

Pinuna rin ni Cayetano ang desisyon ng NBI na ipahawak sa Anti-Cybercrime Division ang imbestigasyon sa umano’y mga bantang binitiwan ng Bise Presidente.

Ayon kay Cayetano, mas nararapat itong hawakan ng Anti-Terrorism o Intelligence divisions ng NBI dahil may kinalaman ito sa seguridad ng Pangulo.

Binigyang-diin ni Cayetano na ang mga tinawag na “admissions against interest” ng Bise Presidente ay hindi dapat ihiwalay sa kabuuan ng kanyang mga naging pahayag.

Ayon sa senador, kabilang dito ang umano’y pagbabanta laban sa Pangulo, First Lady at dating House Speaker, ang mga pahayag hinggil sa paglabas ng pondo sa Department of Education, at ang panawagan ni Duterte na manatiling kalmado sa halip na magkaroon ng people power revolution.

Nang hingan ng kanyang opinyon bilang eksperto, sinabi ni Lotoc na ang maituturing niyang admission against interest ay ang video ni Duterte noong Nobyembre 26, 2024 kung saan inamin nitong siya ang nagsabi ng mga pahayag ilang araw bago nito.

Hindi nasiyahan si Cayetano sa mga sagot ni Lotoc at kinuwestiyon kung bakit pinaniwalaan ng NBI ang umano’y banta ng Bise Presidente ngunit hindi ang pahayag nitong may banta rin sa kanyang buhay at ang panawagan nitong huwag magkaroon ng people power revolution.

Sa huli, pinaalalahanan ni Cayetano ang testigo na ang rekord ng pagdinig ang magsasalita para sa sarili nito.

72

Related posts

Leave a Comment