ITINUTURING na halos kumpleto na ng House prosecution panel ang kanilang presentasyon ng ebidensya para sa Article IV o threat charge laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang magsisilbing huling testigo na ihaharap sa pagdinig sa Hulyo 21.
Ito ay matapos i-withdraw ng prosecution panel ang ilan sa mga dati nilang testigo na itinuring nilang redundant, cumulative, o hindi na kinakailangang iharap pa sa Impeachment Court.
Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, kukumpletuhin ni Matibag ang ebidensya ng prosekusyon kaugnay ng threat charge bago sila lumipat sa Article I na may kinalaman sa confidential funds ni Vice President Duterte.
“This withdrawal, Your Honor, renders Attorney Melvin Matibag, the NBI director, as our last witness for threat, who will be testifying this coming Tuesday, Your Honor,” ayon kay Luistro.
Nauna nang nagpasya ang prosecution panel na hindi na iharap sina dating chief of staff Zuleika Lopez at Capt. Belinda Bello matapos makumpleto ang testimonya ni NBI-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, kung saan napag-alamang nasaklaw na ng kanyang salaysay ang mga bagay na nais patunayan ng prosekusyon.
Bukod dito, kinansela rin ni Luistro ang testimonya ng isang kinatawan ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office, mga mamamahayag na sina Mikhail Flores at Bonz Magsambol, si Sheriff Abe Andres, isang kamag-anak ng isa sa mga umano’y biktima ng pagbabanta, at isang psychiatrist.
Napagpasyahan din ng prosekusyon na hindi na kailangan ang dalawang mamamahayag upang kumpirmahin ang mga pahayag ni Vice President Duterte sa video conference noong Nobyembre 23, 2024 dahil napatunayan na ng isang NBI agent ang authenticity ng recording at inamin na rin ito ng depensa.
Saklaw ng Article IV ang akusasyon na nagkasala si Vice President Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Samantala, matapos ang testimonya ni Matibag ay paghahandaan na ng prosecution panel ang presentasyon nito para sa Article I sa Hulyo 22, kung saan hihiling sila ng subpoena para sa isang opisyal ng House legislative archives at dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines na may kaugnayan sa mga transaksyon sa confidential funds ni Vice President Duterte.
Kabilang sa mga nais ipasubpoena ng prosekusyon sina Marivic Pareja ng Legislative Archives and Museum Management Service ng House of Representatives, dating LandBank Shaw Boulevard branch manager Violeta Constantino, at dating LandBank Department of Education branch manager Nenita Camposano.
(TINA MENDOZA)
95 