31 KASO NG CYBERBULLYING NAITALA SA QC SCHOOLS

NAITALA ng Quezon City government ang 31 kaso ng cyberbullying sa mga paaralan sa lungsod noong nakalipas na taon.

Ayon kay Majority Floor Leader Councilor Aly Medalla, nasa 90 porsyento ng mga naitalang kaso ng student bullying ang nalutas at nabigyan ng kaukulang aksyon ng mga opisyal ng mga paaralan sa lungsod.

Sa ginanap na QC Journalist Forum noong Hulyo 14, sinabi ni Medalla na karamihan sa mga kaso ng cyberbullying ay naganap sa mga paaralan at agad namang nabigyan ng kaukulang solusyon ng mga school administrator.

“Karamihan sa mga kaso ng cyberbullying na naitala ng pamahalaang lungsod ay sa mga eskuwelahan,” ani Medalla.

Dahil dito, sinabi ni Medalla na patuloy ang isinasagawang koordinasyon ng Quezon City government sa mga school administrator upang matigil ang bullying sa mga paaralan.

“Tuloy-tuloy ang koordinasyon natin sa mga school administrator para matigil ang bullying,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi naman ni Police Lieutenant Tyrone Josh Collantes ng Intelligence and Administration Unit ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT) na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang cyberbullying at may kaakibat itong kaso at kaparusahan.

Ayon pa kay Collantes, karamihan sa mga kaso ng cyberbullying ay nagaganap sa social media at gaming platforms.

“Most of the time, ang mga kaso ng cyberbullying ay nagsisimula sa mga social media at gaming platform,” ani Collantes.

Sinabi rin ni Medalla na upang maiwasan ang cyberbullying sa mga paaralan, mahigpit na ipinagbabawal ng Quezon City government ang paggamit ng mga electronic device gaya ng cellphone at laptop sa loob ng mga eskuwelahan habang may klase ang mga estudyante.

(PAOLO SANTOS)

91

Related posts

Leave a Comment