GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
NOONG una kong makita ang mga litrato ng photocopy ng isang libong pisong papel na kumakalat sa social media, natawa rin ako. Hindi dahil nakatatawa ang biro, kundi dahil naisip kong siguradong may maniniwala rito. Hindi nga ako nagkamali. Marami ang nagbahagi nito na para bang nakahuli sila ng napakalaking butas sa batas. Ang mas nakatatawa, sila mismo ang hindi nakaunawa sa pinagtatawanan nila.
Ang kuwento ay tungkol sa paniniwala ng ilan na kung tinatanggap ng korte ang photocopy bilang ebidensya, dapat tanggapin din ang photocopy ng pera bilang tunay na salapi. Sa unang tingin, parang matalino ang argumento. Pero kapag pinag-isipan kahit sandali, bumabagsak agad ito. Magkaibang usapin ang halaga ng isang dokumento bilang ebidensya at ang halaga ng pera bilang legal na pambayad.
May malinaw na batayan kung bakit maaaring tanggapin ang photocopy ng isang dokumento sa hukuman. Sa ilalim ng Rules on Evidence, maaaring tanggapin ang duplicate o photocopy kung walang tunay na pagtatalo sa pagiging totoo ng orihinal at makatarungang gamitin ang kopya. Kinilala rin ito ng Korte Suprema sa isang desisyon kung saan tinanggap ang photocopy ng isang death certificate bilang ebidensya sa isang kasong pagpatay. Hindi kailanman sinabi ng korte na lahat ng photocopy ay may kaparehong halaga ng orihinal sa lahat ng pagkakataon.
Mas nakababahala ang nangyari pagkatapos. Hindi na pinag-aralan ng marami ang buong kuwento. Sapat na ang isang meme, isang maikling caption, at ilang libong likes para paniwalaan itong katotohanan. Ganyan kabilis kumalat ang maling impormasyon.
Hindi dahil mahirap hanapin ang tamang paliwanag, kundi dahil mas madaling mag-share kaysa magbasa.
May isa pang bagay na hindi ko maintindihan. Kahit isantabi pa ang usaping legal, hindi ba sapat ang simpleng pag-iisip? Kung magpapa-photocopy ka ng pera at ipipilit mong gamitin iyon, paano kapag napansin na pareho ang serial number ng dalawang perang hawak mo? Hindi ba agad iyon magdudulot ng pagdududa? Bukod pa roon, may mga batas na nagbabawal sa paggawa o pagpaparami ng salapi nang walang pahintulot. Hindi maaaring idahilan na hindi ito alam. Matagal nang kinikilala sa batas ang prinsipyong ang kamangmangan sa batas ay hindi depensa.
Habang binabasa ko ang mga komento sa ilalim ng mga post na ito, mas lalo akong napailing. Hindi na mahalaga kung tama ang impormasyon. Ang mahalaga ay nakalait sila, nakabuo ng biro, at nakahanap ng kapwa sasang-ayon sa kanila. Iyan ang isa sa pinakamalaking kapangyarihan ng social media. Napadadali nitong pagtagpuin ang mga taong pare-pareho ng maling paniniwala. Sa halip na ituwid ang isa’t isa, lalo pa nilang pinatitibay ang maling akala.
Hindi ako nababahala dahil may mga taong nag-photocopy ng pera bilang biro. Ang ikinababahala ko ay ang bilis ng pagkawala ng simpleng pag-iisip. Kapag mas pinipili na nating paniwalaan ang isang meme kaysa maglaan ng ilang minuto para alamin ang totoo, hindi ang photocopy ng pera ang pinakamalaking problema. Ang tunay na problema ay ang pagdami ng mga taong kuntento nang hindi na mag-isip.
99 