CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SA wakas, natapos din ang panunungkulan ni Ted Herbosa bilang Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) matapos ang kanyang pagbibitiw. Kusa mang nagbitiw o inutusang magbitiw ay hindi na importante basta, wala na siya sa ahensya, period!
Para sa maraming sektor na matagal nang nagmamasid at nagtitiis sa mabagal at tila walang direksyong pamamahala sa ahensya, malaking ginhawa ang dulot ng balitang ito. Ang kanyang pag-alis sa pwesto ay maituturing na isang magandang simula upang maituwid ang mga nagkabuhol-buhol na problema sa sistema ng pampublikong kalusugan sa ating bansa.
Sa ilalim kasi ng pamumuno ni Herbosa, dumanas ang kagawaran ng sunod-sunod na kontrobersya at batikos mula sa publiko at health advocates. Hindi matatawaran ang bagsik ng mga reklamo laban sa kanya, partikular na ang isyu ng napakaraming expired at malapit nang ma-expire na mga gamot sa mga bodega ng pamahalaan habang milyun-milyong mahihirap na mga Pilipino ang nagtitiis na walang maiuwing libreng medisina mula sa mga pampublikong ospital. Ang ganitong uri ng kapabayaan ay nagpapakita lamang ng kawalan ng maayos na koordinasyon at malasakit sa pondo ng bayan na nagmula sa pawis at dugo ng mga nagbabayad ng buwis.
Bukod sa isyu ng mga nasayang na gamot, naging tampulan din ng galit ang kawalan ng malinaw na tugon ng kagawaran sa mga hinaing ng mga ordinaryong manggagamot at nars na patuloy na nakikipagbuno sa mababang pasahod at hindi maibigay na mga benepisyo. Nadagdagan pa ito ng mga kwestyonableng polisiya, kabilang na ang kontrobersyal na paglilipat ng bilyun-bilyong pondo ng PhilHealth pabalik sa National Treasury na labis na tinutulan ng iba’t ibang grupo. Sa halip na palakasin ang serbisyong medikal para sa mahihirap, tila naging bulag at bingi ang pamunuan sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Ngayong pormal nang itinalaga ang bagong mamumuno sa kagawaran, sa katauhan ni Dr. Jose S. Pujalte Jr., malaki ang hamon at inaasahan ng buong bansa. Nawa’y isa siyang lider na may tunay na malasakit, kredibilidad, at sapat na kakayahan upang linisin ang dumi at gulo na naiwan sa ahensya. Ang bagong kalihim ay dapat maging isang responsableng pinuno na hindi lamang marunong humawak ng administrative na trabaho kundi may puso para sa mga pinakamahihirap nating kababayan.
o0o
Walang pneumonia si Marcoleta.
Ayan, agad iniutos ng Sandiganbayan Third Division na ilipat ang kustodiya ni Senador Rodante Marcoleta sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas matapos ideklara ng Philippine General Hospital (PGH) na walang anomang medikal na basehan upang manatili ang senador sa loob ng ospital. Ang hakbang na ito ng korte ay isang malaking sampal sa lumang kalakaran sa pulitika kung saan ang biglaang pagka-ospital ay tila nagiging automatic pass para makaiwas sa malamig na rehas ng ordinaryong kulungan.
Maaalalang noong nakalipas na linggo, dinala si Marcoleta sa ospital matapos magreklamo ng hypertension at mild pneumonia. Gayunpaman, sa opisyal na ulat ng PGH na isinumite sa korte, lumabas na negatibo ang mga pagsusuri sa hinalang pneumonia at idineklara siyang ganap na “fit” o may kakayahan nang humarap sa paglilitis. Ang medikal na katotohanang ito ang nagtanggal sa anomang dahilan upang bigyan siya ng espesyal na pribilehiyo na hindi naman nararanasan ng mga ordinaryong bilanggo.
Hindi na bago sa mata ng publiko ang ganitong senaryo; tila naging gasgas na estratehiya na ang paggamit sa kalusugan upang makakuha ng “hospital arrest” o special treatment. Libo-libong ordinaryong Pilipino ang nagtitiis sa mga siksikang selda habang may tunay na karamdaman, ngunit walang marangyang kwarto sa ospital na naghihintay sa kanila. Ang paggigiit na manatili sa ospital nang walang sapat na medikal na dahilan ay hindi lamang pang-aabuso sa sistema ng hustisya, kundi hayagang pambabastos sa mga tunay na may sakit na nangangailangan ng bakanteng kama sa PGH.
Hindi biro ang kasong kinakaharap ni Marcoleta—ito ay plunder o pandarambong na nag-ugat sa kabiguang ideklara ang humigit-kumulang P75 milyong campaign donations matapos siyang sumuko sa mga awtoridad. Dahil bilyun-bilyong piso ang nakataya sa mga ganitong usapin, marapat lamang na ang proseso ng batas ay maging mahigpit at walang kinikilingan. Ang pagkakapiit niya sa isang regular na pasilidad sa Payatas ay paalala na ang yaman at kapangyarihan ay hindi panangga kapag ang batas na ang mismong naniningil.
67 