(NI ABBY MENDOZA)
MGA first-time congressman ang halos kalahating uupo na mambabatas sa papasok na 18th Congress, ayon sa House of Representatives.
Ayon kay House Secretary General Roberto Maling nasa pagitan ng 135 hanggang 145 ang neophyte congressmen.
Ipinaliwanag ni Maling na hindi pa nila maibigay ang eksaktong bilang dahil may mga election protest pa na nakabimbin sa Commission on Elections (Comelec) partikular sa partylist representatives.
Sa kabuuan ay inaasahan na 304 hanggang 306 ang bubuo sa 18th Congress.
Samantala, sinimulan na rin nitong Lunes sa Kamara ang pagbibigay ng Legislative Executive Course sa mga first-timer na kongresista.
Alas 8:00 ng umaga ay nagbukas ang registration para sa gagawing orientation para sa mga mambabatas sa South Wing Annex ng Batasang Pambansa sa Quezon City.
Ituturo sa mga neophyte lawmakers ang legislative process, budget process, ang trabaho ng mga legislative committees, ang daloy ng parliamentary procedures at iba pang hakbang sa pagawa ng panukala.
Ang pagsasanay ay isasagawa ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) kung saan kabilang sa kurso ang pagsasagawa ng mock committee hearings at mock sessions.
Ang unang seminar ay tatagal ng hanggang Hunyo 19, ang ikalawa ay sa June 24-26 at ikatlo ay sa July 1 hanggang July 3.
Sa Hulyo 22 ang pagbubukas ng 18th Congress.
120