BARANGAY 743, NAGLUNSAD NG COOKING CONTEST BILANG BAHAGI NG NUTRITION MONTH

MAGLULUNSAD ang Barangay 743, Zone 80, District V, Lungsod ng Maynila ng cooking contest bilang bahagi ng pagdiriwang ng Nutrition Month 2026 upang hikayatin ang mga residente na maghanda ng masustansya at abot-kayang pagkain gamit ang mga lokal na sangkap.

Pangungunahan ang programa ni Barangay Chairman Felimon “Tuts” G. Tutica Jr. kasama ang mga opisyal ng barangay.

Gaganapin ang patimpalak sa Hulyo 25 sa Barangay Hall sa Smith Street, Malate, Manila, sa ilalim ng temang “Gulay sa Barangay, Masustansyang Tunay.”

Bukas ang kompetisyon sa mga residenteng 18 taong gulang pataas, kung saan maaaring maglahok ang bawat cluster ng hanggang tatlong miyembro.

Ayon sa mga organizer, kinakailangang makapagluto ang bawat koponan ng isang masustansya at abot-kayang putahe para sa limang katao gamit ang mga lokal na sangkap at isang “secret vegetable” na ibibigay ng Barangay Committee.

Hindi dapat lumampas sa P500 ang halaga ng mga sangkap at kinakailangang magsumite ng resibo o talaan ng gastos.

May 60 minuto lamang ang bawat koponan upang ihanda, lutuin at i-plate ang kanilang entry, habang mahigpit ding ipatutupad ang health at safety protocols.

Nakataya ang P5,000 para sa unang gantimpala, P3,000 para sa ikalawang gantimpala at P2,000 para sa ikatlong gantimpala, bukod pa sa consolation prizes para sa lahat ng kalahok. (BP)

92

Related posts

Leave a Comment